Ni Jam Navales
KASUNOD ng pagtatala ng Department of Health (DOH) ng nasa halos 200,000 kaso ng influenza-like illness (ILI), pinaalalahanan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang mga mamamayan na magdoble ingat para maiwasan ang karamdaman.
“I urge our fellow Filipinos to be extra careful para hindi tayo magkasakit, lalo na’t malapit na ang holiday season na panahon para sa mga social gathering,” pahayag ni PCSO Chairman Junie Cua.
Para kay Cua, malaking bentahe para matiyak ang kalusugan kung ipagpatuloy ang pagsunod sa mga health protocols na ipinatupad noong panahon ng pandemya para mabawasan ang panganib na magkasakit, kasabay ng hirit na “prevention is better than cure.”
“Bagama’t lipas na ang pandemya, ang mga health protocols ay nagbibigay pa rin ng proteksyon laban sa mga virus na sanhi ng respiratory illness. Mas mabuti na pong umiwas dahil mahal magkasakit,” dagdag pa ng PCSO chairman.
Hinikayat din ni Cua ang mga Pilipino na sundin ang payo ng DOH lalo na hanay ng mga bata, matatanda, at iba pang vulnerable sectors na sundin ang mga protocol tulad ng: voluntary masking, regular na paghuhugas ng kamay, paghihiwalay kapag may sakit, pagtiyak ng sapat na bentilasyon, at pagpapa bakuna.
“The holidays are a time for fun and fellowship, but I hope that we also engage in them responsibly. Kapag po nagkasakit tayo, tandaan natin na maaari tayong makahawa,” ayon pa kay Cua.
Base sa datos DOH, ang kabuuang kaso ng ILI sa bansa ay umabot sa 182,721 mula Enero 1 hanggang Nobyembre 11 ngayong taon, mas mataas ng 51 porsyento kumpara sa 121,160 na naiulat na mga kaso sa parehong panahon noong 2022.
Maging ang mga kaso ng pneumonia ay tumaas din ng 46 porsyento, na may 158,762 na kaso batay sa datos ng DOH mula Enero hanggang Oktubre ngayong taon, mula sa 108,982 ng naturang sakit na naitala sa parehong panahon noong 2022.