
KABILANG ang pangalan ni Senador Risa Hontiveros sa talaan ng limang mambabatas na posibleng mamuno sa Senate blue ribbon committee matapos ang pagbibitiw sa pwesto ni Senador Panfilo Lacson.
Bukod kay Hontiveros, kasama sa mga pinagpipilian ipalit kay Lacson sina Senador JV Ejercito, Raffy Tulfo, Pia Cayetano, at Francis Pangilinan na pawang mga miyembro ng mayorya.
Gayunpaman, agad na tinabla nina Ejercito at Tulfo na pamunuan ang komiteng nag-iimbestiga sa flood control scandal kung saan dawit ang mga kabaro sa senado – gayundin ang si dating House Speaker Martin Romualdez na pinsan ng Pangulo.
“Unang-una nagpapasalamat ako sa tiwala for considering me for such a very important committee lalo na Blue Ribbon. Kaya lang alam ko limitasyon ko mas marami ang tingin ko mas may kakayahan ang mag-lead ng committee,” paliwanag ni Ejercito.
Samantala, sinabi naman Tulfo na ayaw niyang mawala ang kanyang pokus sa tatlo pa niyang komite kaya hindi matatanggap ang alok na pamunuan ang blue ribbon committee.
Ani Ejército, si Lacson pa rin ang karapat-dapat manguna sa imbestigasyon ng blue ribbon. (ESTONG REYES)