WALANG kahirap-hirap na ipinapasok sa bansa ang iba’t ibang klase ng kontrabando sa bisa ng bagong modus sa Bureau of Customs (BOC) kung saan kalakaran ang pagpapagamit ng lisensya ng mga broker, kapalit ng pera.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Agriculture, kapwa itinanggi nina Lujin Arm Tenero ng 2014 Consumer Goods Trading at Brenda de Saguin ng Berches Consumer Goods Trading na sa kani-kanilang kumpanya ang nasabat na agri-products mula sa bansang China.
Ayon kay Tenero, isang nagngangalang “Carlos” ang nagmamay-ari ng container na idineklarang naglalaman ng chicken poppers at chicken lollipops subalit napag-alamang naglalaman ng frozen mackerel at round scads.
Isang Mr. Vicente naman ang ikinanta ni De Sagun na umarkila umano ng kanilang lisensya sa Berches Consumer Goods Trading para sa 19 container vans na idineklarang chicken lollipops at chicken poppers, ngunit nadiskubreng naglalaman pala ng carrots at mga pulang at puting sibuyas.
Sa kabila ng pag-amin, pinatawan ng contempt citation sina Tenero at De Sagun matapos ipagkait sa komite ang buong pangalan ng mga binanggit na pangalan.
Ayon sa mga senador na miyembro ng komite, malinaw na ginagamit lamang umano ng mga smuggler ang mga broker. (ESTONG REYES)
