
MINALIIT ng isang prominenteng research group ang P35 kada araw na dagdag-sahod sa hanay ng mga manggagawa sa National Capital Region (NCR).
Ayon sa IBON Foundation, hindi dapat bumaba sa P1,190 kada araw (katumbas ng P25,882 buwanang sahod) ang maisampang kita ng isang ordinaryong pamilya na may limang miyembro para mabuhay ng maayos.
Sa kasalukuyan, nasa P610 kada araw lang ang sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor. Inaasahan naman aakyat sa P645 kada araw pagsapit ng Hulyo 17 sa bisa ng desisyon ng Region Wage Productivity Board.
Hirit ng IBON Foundation, dapat punan ang P580 ang “wage gap” sa pagitan ng aktwal na sweldo kontra sa angkop na pasahod sa hanay ng mga obrero.
Sa pagkain pa lamang anila, nasa P13,542 na ang kailangan ng isang pamilya ng lima katao para mabuhay. Kung limang araw lamang ang trabaho sa isang linggo, sa pagkain pa lamang ay halos ubos na ang kikitain sa isang buwan dahil papatak ito sa P13,969.
Kung anim na araw naman sa isang linggo ang pasok, nasa P16,765 ang buwanang kita. Kung isasama ang iba pang mga gastusin tulad ng upa, tubig, kuryente, gas, at pamasahe, kakapusin ang kita.
Ayon sa IBON Foundation, ang upa sa Metro Manila ay aabot sa P4,598 at pumapalo pa sa P2,682 ang bayarin sa tubig, kuryente at gas.
Hindi pa kasama ang gastos sa transportasyon o pamasahe na aabot sa P1,466 kada buwan at load sa telepono at internet na P490.
Sa mas malawak na perspektiba, lumalabas na P442 lang ang average daily minimum wage sa bansa samantalang naglalaro naman nag-average naman ng P1,210 ang family living wage kaya ang average na kakulangan ay P768 sa isang araw.
Pinakamaliit ang minimum wage sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na nasa P361 at doon din pinakamalaki ang family living wage na nasa P2,053, ayon sa datos ng IBON Foundation.