
HINDI dapat bigyan ng pagkakataon si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa at apat na iba pang heneral na makapuslit patungo sa ibang bansa bago pa man dumating sa Pilipinas ang International Criminal Court (ICC) prosecutor.
Ayon kay dating Sen. Antonio Trillanes, nakikipag-ugnayan na di umano ang ICC sa International Criminal Police Organization (Interpol) para maglabas ng “blue notice” laban kay Dela Rosa at apat pang heneral ng Philippine National Police (PNP).
Paglilinaw ni Trillanes, ginawa ng ICC ang naturang hakbang bilang tugon sa hiling ng Philippine government sa hangaring bigyang daan ang paghaharap ng hindi pinangalanang ICC prosecutor at ni Dela Rosa, at iba pang “suspek” sa likod ng madugong giyera kontra droga sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Bukod kay Dela Rosa, pasok na rin ang pangalan nina dating PNP chief Oscar Albayalde, dating Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief Romeo Caramat Jr., dating National Police Commission (Napolcom) Commissioner Edilberto Leonardo, at dating PNP Intelligence officer Eleazar Mata sa mga suspek.
Sa naturang hanay, tanging sina Caramat at Matta na lang ang nasa aktibong talaan ng PNP.