
MATAPOS ang makailang ulit na pang-iisnab sa Kamara, hindi na nagawang iwasan ni Vice President Sara Duterte ang House Committee on Good Government na nag-abot ng imbitasyon habang pinapanood ang amang ginigisa ng mga kongresista.
Partikular na inanyayahan ng Committee on Good Government ang pangalawang pangulo para dumalo sa susunod na pagdinig at magbigay-panig sa alegasyon ng paglustay ng hindi bababa sa P612 milyong confidential funds na inilaan ng Kongreso noong huling bahagi ng 2022 hanggang Disyembre 2023.
Bagamat binigla ni VP Sara ang mga kongresista, bakas sa mukha ng pangalawang pangulo ang pagkadismaya matapos siyang papirmahin ng isang legislative staff sa imbestigasyon inabot sa kanya habang isinasagawa ng quad committee ang imbestigasyon sa usapin ng extrajudicial killings at kalakalan ng droga sa ilalim ng nakalipas na administrasyong Duterte.
Sa naturang imbitasyon, hiniling ng komite ang pagdalo ni VP Sara sa pagdinig na gaganapin sa People’s Center Building sa Batasang Pambansa Complex pagsapit ng Nobyembre 20 sa hudyat ng alas 10:00 ng umaga.
Sa kaugnay na balita, hinamon ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers partylist Rep. France Castro si VP Sara na humarap sa pagdinig sa halip na magmiron habang iginigisa ang amang dating pangulo.
“Ang tagal na siyang pinapatawag ng Good Government committee pero di sya sumisipot at dumadalo ng hearing, tapos ngayon bigla siyang lilitaw dito. Gusto din ba niyang maging resource person sa nangyaring EJKs sa Davao City nung siya ang mayor at kung paano ginamit ang napakalaking confidential funds nya dun?”