MATAPOS lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang Republic Act 12064 (Philippine Maritime Zones Act) at RA 12065 (Philippine Archipelagic Sea Lanes Act) na nagsusulong sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea, agad na sinuklian ng China ang hakbang ng Pilipinas sa bisa ng paglalatag ng “baseline” sa paligid ng Bajo de Masinloc sa lalawigan Zambales.
Gayunpaman, agad na inalmahan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang inilatag na “baseline” ng China, kasabay ng paghahain ng panibagong diplomatic protest sa naturang bansa.
Sa datos ng DFA, umabot na sa 189 ang kabuuang bilang ng diplomatic protest na inihain ng Pilipinas laban sa China mula buwan ng Hulyo.
Ayon sa National Maritime Council (NMC), hayagang paglabag sa soberanya ng Pilipinas ang inilatag na “baseline” sa Bajo de Masinloc na kilala rin sa tawag na Scarborough Shoal.
“China’s baseline violated the long-established sovereignty of the Philippines and continued Beijing’s illegal seizure of the shoal in 2012,” pahayag ng NMC.
“Moreover, the use of straight baselines around the shoal by China contravenes UNCLOS and the final and binding 2016 Arbitral Award,” dugtong pa sa naturang kalatas.
“Straight baselines can only be used in accordance with the criteria and conditions provided in UNCLOS, as explained in the 2016 Arbitral Award. These conditions are not present in the case of BDM.”
Wala rin anilang legal na basehan ang inilatag na baseline ng China sa Bajo de Masinloc na may layong 124 nautical miles mula sa bayan ng Masinloc sa lalawigan ng Zambales.
Sa ilalim ng panuntunan ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), pasok ang Bajo de Masinloc sa 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone.
