
PARA sa isang dinisbar na abogadong itinalaga ng Pangulo sa Palasyo, napapanahon nang itulak ng Kamara de Representantes ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Sec. Larry Gadon na tumatayong Presidential Adviser on Poverty Alleviation, mismong sa bibig ni VP Sara nagmula ang punong dahilan kung bakit kailangan na siyang mawala sa pamahalaan.
Partikular na tinukoy ni Gadon ang binitawang salita ni VP Sara Duterte na nagsabing wala na siyang dahilan tulungan ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Aniya, lumalabas sa mga pahiwatig ng pangalawang pangulo na wala na siyang kakayahan gampanan ang nakaatang na mandato
“Noong una suhestiyon ko sa Makabayan Bloc members huwag na munang ituloy ang impeachment proceedings kay Vice President Sara, dahil wala ng oras para dito, mag-eeleksyon na, may Christmas break pa, at malapit na mag-adjourn ang sessions ng Kongreso. Kaya ang suhestiyon ko ngayon, ideklara siyang ‘incapacitated,” ani Gadon.
May dalawang paraan din aniya para tanggalin si VP Sara. Bukod sa impeachment, pwede rin aniyang ideklara ng mga miyembro ng Kamara na “incapacitated” na ang pangalawang pangulo.
“Because the role of our Vice President according to our Constitution is to assist the President in his performance of his duties and to perform such other functions that may be assigned by the President.”
“Paano siya makakapag-assist sa Presidente, kung siya mismo, idineklara niya, sa sarili niya, na hindi na siya makikipag-cooperate sa ating Presidente. Hindi na siya tutulong,” pahabol ni Gadon.