NAPURNADA ang inakalang “business as usual” sa hanay ng mga rice traders matapos palawigin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang importation ban para sa bigas.
Ayon kay Agriculture Secretary Francis Tiu Laurel, inaprubahan ni Marcos ang extension sa pagbabawal sa anumang pag-angkat ng bigas mula sa ibang bansa hanggang sa matapos ang taon.
Aniya, pormal na ilalabas ng Palasyo sa Lunes (Nobyembre 3) ang Executive Order hinggil sa pinalawig na rice importation ban.
“With the import ban having little impact on retail prices and supply of rice but a significant effect on the farmgate price of palay, President Marcos deemed it necessary to extend the suspension for two more months,” anang kalihim.
Una nang ipinatupad ng Pangulo ang dalawang buwang suspensyon sa pag-aangkat ng bigas mula Setyembre 1 hanggang Oktubre 31 para pigilan ang pagbagsak ng presyo ng palay sa panahon ng anihan.
Dagdag pa ni Tiu Laurel, nakaapekto rin sa pagbaba ng farmgate prices ang labis na pag-aangkat ng bigas, mababang kalidad ng ani sa ilang lugar, at masamang panahon.
“With harvests still ongoing in several regions, the extended import ban—together with the rollout of the Sagip Saka program and the establishment of a floor price for palay—should help support struggling rice farmers,” dagdag ng Kalihim.
Samantala, tiniyak ni Laurel na sapat ang suplay ng bigas kahit pa ipagpatuloy ang import ban sa loob ng 120 araw. Katunayan aniya, nasa 89 hanggang 92 araw ang itatagal ng supply ng bigas ng bansa.
