SA gitna ng lumalalang tensyon sa Middle East, hinimok ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang pambansang pamahalaan sa paglikha ng isang National Contingency Framework bilang proteksyon ng overseas Filipino worker (OFW).
Pangamba ni Cayetano, na dating nagsilbi bilang Kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA), hindi maiiwasan tamaan ng sigalot sa ibang bansa at pag-uga ng pandaigdigang ekonomiya ang milyon-milyong Pilipinong nagtatrabaho sa ibayong dagat.
Sa Senate Resolution 343 na inihain ni Cayetano, partikular na kinalampag ang Executive Branch na bumalangkas at maglatag ng komprehensibong National Contingency Plan para mas mapalakas ang kahandaan ng bansa sa malalaking krisis sa loob at labas ng Pilipinas.
“Instabilities, armed conflict, and war directly affect the welfare and employment of millions of OFWs across the Middle East and other regions, potentially affecting the livelihoods of millions of Filipino families dependent on remittances,” wika niya.
Sa ilalim ng resolusyon, hinihikayat ang pamahalaan bumuo ng contingency plan na magsisilbing gabay kung paano maghahanda, kikilos, at babangon ang bansa sa gitna ng malalaking krisis gamit ang koordinasyon ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno at pakikilahok ng buong bansa.
Binigyang diin ni Cayetano na milyon-milyong OFW ang nasa iba’t ibang panig ng mundo, kabilang ang mga rehiyong madalas maapektuhan ng tensyon sa pulitika at pag-uga ng ekonomiya.
Dahil dito, nagiging usaping pambansa aniya ang kanilang kaligtasan at kabuhayan lalo na kapag may krisis.
Ayon pa sa senador, makakatulong ang malinaw na contingency framework upang mas mabilis at maayos na makakilos ang mga ahensya ng pamahalaan kapag may krisis na makaaapekto sa mga Pilipino sa ibang bansa.
Batay sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), umabot sa $35.63 bilyon ang kabuuang cash remittances ng OFWs noong 2025, patunay ng malaking ambag ng mga ito sa ekonomiya ng bansa.
Dahil dito, sinabi ni Cayetano na nararapat lamang na matiyak ng pamahalaan na may sapat na proteksyon at suporta ang mga Pilipinong nasa balag ng alanganin — kabilang na ang mga sitwasyong nangangailangan ng evacuation, repatriation, o tulong pinansyal.
“It highlights not just the gravity of the economic benefits that they selflessly bring to our nation, but also underscores the need for the State to reciprocate their sacrifices now more than ever, and protect them in times of crisis or uncertainty abroad,” wika niya.
Suportado mga kapwa senador ang panukala ni Cayetano at pormal na inaprubahan ng Senado ang nasabing resolusyon.
