KAWALAN ng delicadeza ang nakikitang dahilan sa likod ng pamamayagpag ng tinaguriang Kamag-Anak Incorporated na karaniwang nakakasungkit ng mga kontrata sa gobyerno.
Para kay Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano, panahon nang wakasan ang pagsasamantala ng mga kaanak ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno sa bisa ng Senate Bill 1962, kasabay ng pahayag ng suporta sa naturang panukala.
Ayon kay Cayetano, makakatulong ang SB 1962 sa ilalim ng Committee Report No. 44 para palakasin ang mga patakaran laban sa korapsyon at conflict of interest sa mga transaksyon ng gobyerno.
“Part of getting to the truth is ayusin ang sistema. If we’re going to have a national conversation on how our nation can transform, how we can hold people accountable…then we have to learn how to have a national conversation. In government, you have to promote what is good and prevent what is evil,” wika ng minority leader.
Sa ilalim ng panukala, bawal pumasok sa anumang kontrata ng gobyerno ang kamag-anak ng isang opisyal hanggang ikaapat na antas ng relasyon, kabilang ang mga pinsan, bayaw, hipag, at iba pang malapit na kamag-anak.
Saklaw ng pagbabawal ang iba’t ibang uri ng kontrata tulad ng supply ng kagamitan, serbisyo, infrastructure projects, joint ventures at public-private partnership agreements.
Pasok din sa ipagbabawal ang subcontracting, consortium, at iba pang kahalintulad na kasunduan sa mga ahensya ng gobyerno, lokal na pamahalaan, at government-owned or controlled corporations.
Hindi lamang direktang kontrata ang sakop ng panukala. Kasama rin sa ipagbabawal kung ang kamag-anak ng opisyal ay beneficial owner, corporate officer, o miyembro ng board ng kumpanyang may kontrata sa gobyerno.
Sa panukala, itinuturing na “public official” ang mga pinuno ng ahensya, mga head ng procuring entities, miyembro ng governing boards, at iba pang opisyal na may supervisory o managerial na tungkulin sa gobyerno.
Una nang nagbabala ang senador sa posibilidad na lumala ang korapsyon kung mahina ang pagbabantay sa mga transaksyon ng gobyerno.
“We want to assure the public. Iisa lang naman ang hangarin ng Kongreso: ang tiyaking makakarating ang serbisyong dapat sa bawat Pilipino, at malinaw kung saan napupunta ang pera ng bayan, lalo na sa mga kontrata ng gobyerno,” ani Cayetano.
Binigyang diin din ng senador na kailangan ng mas malalim na pagbabago sa sistema ng gobyerno upang masiguro ang pananagutan ng mga opisyal.
“We need radical change. We need transformation. It won’t happen unless may tamang direction at malinaw na proseso.”
