SA gitna ng kinakaharap ng krisis bunsod ng patuloy na hidwaan sa Middle East, higit na kailangan ipadama ang kalinga sa mga lubos na apektadong sektor ng lipunan.
Bilang tugon, magkatuwang na inihain nina Speaker Faustino Dy III at House Majority Leader Sandro Marcos ang House Bill 8834 o ang Komprehensibong Alalay sa Livelihood, Inflation, Negosyo and Goods Assistance (KALINGA) bill, na nagsusulong ng mabilis, direkta at awtomatikong pagtugon ng pamahalaan sa tuwing may pagtaas sa presyo ng langis at iba pang pangunahing bilihin at gastusin.
“The developments affecting the Strait of Hormuz—one of the world’s key oil shipping routes—highlight the need for the government to prepare policy tools that can cushion potential volatility in fuel prices,” wika ni Dy.
Ang mas nakababahala, aniya, ay ang kabiguan sa pagitan ng Amerika at Iran na magkaroon ng kasunduan para tuldukan ang hidwaan sa Gitnang Silangan – bagay na posibleng magpalala sa pandaigdigang krisis sa suplay at presyo ng langis.
“Kapag tumaas ang presyo ng krudo, may domino effect ito sa pamasahe, pagkain, kuryente, at presyo ng mga bilihin. Hindi puwedeng maghintay lang tayo habang tumataas ang presyo ng bilihin. We need to be proactive,” ayon pa sa House Speaker.
Sinegundahan naman ni Marcos ang posisyon ni Dy. Aniya, higit na angkop agad na isabatas ang panukalang naglalayon bigyan ng proteksyon ang mga mamamayan laban sa epekto ng paggalaw sa presyo ng petrolyo at iba pang produkto.
“Isang galaw lang sa presyo ng langis, lahat tumataas—pamasahe, pagkain, kuryente. Hahanapan ng Kongreso at pamahalaan ng solusyon ang sitwasyon. Sa KALINGA Act, may malinaw na sistema—may trigger, may aksyon, may tulong,” paliwanag ng House majority leader.
“More than an emergency assistance measure, the KALINGA Act establishes a national protection framework that allows government to act early, decisively, and in a coordinated manner—before rising fuel costs spiral into widespread increases in fares, food prices, electricity, and other daily expenses,” dagdag ni Marcos.
“Hindi ito ayuda lang. Ito ay proteksyon. Kapag tumaas ang presyo, automatic ang tulong,” anang Ilocos Norte solon.
Nakapaloob sa panukalang batas ang pitong pangunahing hakbang na gagawin ng gobyerno para masalag ang epekto ng fuel-driven inflation, kasabay sa pagtitiyak na mayroong matatag na suplay ng langis, enerhiya at mga pangunahing produkto sa bansa.
Kabilang sa mga tinukoy sa HB 8834 ang fuel price stabilization, sa pamamagitan ng pagkakaroon targeted fuel subsidy program, pagsuspinde o pagbawas sa excise tax at iba pa.
Pasok din ang energy supply security and inventory management, kung saan maaaring government-to-government fuel supply agreements at iba pa.
Isinusulong din ang targeted assistance, na pagbibigay ng financial assistance sa vulnerable sectors at iba pa.
Gayundin ang mga essential goods and logistics stabilization, na patungkol naman sa transport support at distribution, buffer stocking at food supply stabilization, at iba pa; MSME energy relief and business continuity na pagtitiyak na matutulungan ang mga negosyo na ipagpatuloy ang operasyon at iba pa; energy conservation and demand reduction para sa flexi work schedule, paggamit ng renewable energy at iba pa; at ang flexible fiscal and regulatory measures, na layon namang labanan ang hoarding at profiteering at amyendahan ang ilang tax rates.
“This is not just about reacting to price increases. It’s about preventing a full-blown inflationary spiral by stabilizing fuel costs at the outset,” sambit ni Dy.
“The measure prioritizes targeted and time-bound interventions, including support for the transport, agriculture, fisheries, and logistics sectors—industries most directly affected by fuel price movements.”
