SA ilalim ng pamumuno ni Speaker Martin Romualdez, nasungkit ng Kamara ang pangunguna sa hanay ng tatlong sangay ng gobyerno na mayroong pinakamataas na trust at satisfaction survey partikular sa surveys na ginawa ng Tangere at OCTA Research.
Lumabas sa nationwide survey ng Tangere, na isinagawa noong Abril 21 hanggang 22, 2025, nakatanggap ang Kamara de Representantes ng 55.5% satisfaction rating, ang pinakamataas sa lahat ng sangay ng pamahalaan.
Paliwanag ng mga analyst, ang matibay na performance na ito ay batay sa masigasig na legislative agenda ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, partikular ang papel nito sa pagkuha ng pondo para sa mga pangunahing social programs gaya ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP), na direktang tumutugon sa mga pangangailangan ng mga low-income Filipino families.
Nakapagtala naman ang Senado ng 44.74% satisfaction rating na posible umanong resulta ng mga internal controversy nito at isyu sa pamumuno. Nakakuha naman ang Executive Branch, sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ng 49.41% satisfaction rating, habang ang Judicial Branch, na kinakatawan ng Supreme Court, ay nagtala ng 45.5% satisfaction score.
Sa survey naman ng OCTA Research, na tinawag na Tugon ng Masa (TNM) na isinagawa noong Abril 2 hanggang 5, 2025, nakakuha ng mataas na rating si Speaker Romualdez.
Ibig sabihin umano nito na nagtitiwala ang 54% ng mga Pilipino kay Speaker Romualdez, isang solidong mayorya kahit nagkaroon ng bahagyang pagbaba mula sa nakaraang quarter.
Naitala naman sa 55% ang mga Pilipino na nasisiyahan sa kanyang performance bilang pinuno ng Kamara.
Ito ay naglalagay kay Speaker Romualdez sa hanay ng mga nangungunang pambansang lider na pinagkakatiwalaan at kinikilala ng mga Pilipino ang ginagawa, kasama sina Pangulong Marcos Jr. at Senate President Chiz Escudero.
Nananatiling matatag ang trust at satisfaction ratings ni Speaker Romualdez sa lahat ng pangunahing rehiyon at socioeconomic classes, na nagpapakita ng malawak na suporta sa mga pro-people initiatives ng Kamara sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Isinagawa ang Tangere survey sa pamamagitan ng mobile application sa 2,400 respondents, na may margin of error na ±1.96% sa 95% confidence level. Ang OCTA survey naman ay batay sa 1,200 face-to-face interviews, at mayroon itong ±3% margin of error. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
