
Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
KUMBINSIDO ang pamunuan ng Kamara na tuluyang dadausdos pababa ang presyo ng bigas merkado sa mga susunod na buwan.
Para kay House Speaker Martin Romualdez, malaking bentahe ang pasya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bawasan ang ipinapataw na taripa sa bigas na inaangkat mula pa sa ibang bansa.
Hindi rin aniya dapat iwaglit ang programang Kadiwa ng Pangulo kung saan sumipa ang pagbebenta sa ng bigas sa halagang P29 kada kilo – malayo sa presyo ng mga commercial rice na naglalaro mula P52 hanggang P64 per kilo.
Sa sabayang implementasyon ng polisiya ng Pangulo, naniniwala ang lider ng Kamara na abot-kamay na ang pangakong sapat at abot-kayang pagkain para sa lahat.
Sa usapin ng taripa, lalabas na 15% na lang ang ipapataw ng gobyerno sa mga imported rice – malayo sa 35% na inabutan ni Marcos nang naluklok sa pwesto bilang Pangulo.
Target naman ng Kadiwa ilapit ang murang bilihin – kabilang ang bigas – sa iba’t ibang sulok ng bansa.
“The import levy reduction and the direct sale of imported rice by the government through its Kadiwa centers should bring down the retail price of rice substantially, especially for consumers,” pahayag ni Romualdez.
Paglalarawan pa ng Leyte solon, isang malinaw na patunay sa masidhing hangarin ni Marcos ang implementasyon ng mga polisiya at programang magpapagaan sa pasanin ng mga Pilipino.
Samantala, pinawi ng lider kongresista ang agam-agam ng mga magsasaka sa tapyas taripa ipatutupad sa imported rice, kasabay ng garantiyang hindi apektado ng naturang polisiya ang tulong na nakalaan sa hanay ng mga magsasaka sa bisa ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) na nakasaad sa Republic Act 11203 na mas kilala sa tawag na Rice Tariffication Law.
BAtay sa pinakahuling datos ng pamahalaan, umabot na sa P16 bilyon ang nalikom ng gobyerno mula sa buwis na ipinapataw sa imported rice.
“This means that the government has enough funds to help farmers, while it is trying to bring down rice prices through the import tariff cut and direct Kadiwa sales,” paliwanag ni Romualdez.
Samantala, nanawagan ang Kamara sa Senado na huwag tulugan ang nakabinbin panukalang amyenda sa Rice Tariffication Act para ganap na maibalik sa National Food Authority (NFA) ang pahintulot na makapagbenta ng murang bigas sa mga pamilihang bayan.
Sa ganung paraan aniya, mapipilitan ang mga rice traders na ibaba na rin ang presyo ng kanilang binebentang commercial rice para makasabay sa murang bigas na ilalako ng NFA sa publiko.