SA kabiguan ng mga Defense panel ipagtanggol si Vice President Sara Duterte, kumapit na dating modus ang kampo ng pangalawang pangulo — pagkakalat ng fake news.
Ito ang buod ng pahayag ng House Prosecution panel, kasabay ng panawagan sa publiko na maging mapanuri, tutukan ang mga inilatag na ebidensya at huwag magpadala sa mga mapanlinlang at maling impormasyon.
Pag-amin ng prosekusyon, higit na aktibo ngayon ang mga tinatawag na trolls at keyboard warrior, na senyales na desperado ang kampo ng pangalawang pangulo.
“Kung dumadami ’yung mga trolls, I think that is a sign of desperation. Frustrated na sila. Hindi na ’yung arguments, legal arguments or kung anong nangyari. Tinitira na nila personal na,” ani Private prosecutor Atty. Lorna Kapunan.
Sa isang press conference, pinuna nina House prosecutor Manila Rep. Joel Chua at Kapunan ang walang puknat na paglabas ng fake news at disinformation sa iba’t-ibang social media platforms.
“Kami sa prosecution, iyong katotohanan lang ang gusto namin,” giit ni Chua. “Kaya hinihikayat natin ang ating mga kababayan na subaybayan ang impeachment trial nang sa ganun ay hindi sila mapepeke.”
“Kaya nga dito pa lang makikita mo kung anong klase ’yung laban na ’to. Ito ay laban ng katotohanan at laban ng fake news,” aniya pa.
Pagdidiin naman ni Kapunan, may karapatan ang publiko sa tamang impormasyon at pagpapaliwanag hinggil sa mga ebidensya at argumentong tinatalakay sa constitutional proceedings.
“Karapatan po nating lahat na mga mamamayan. Mayroon tayong right to information. Information po iyan. Huwag disinformation, huwag wrong information,” sambit ng abogada de kampanilya.
Nanawagan siya sa mga sumusubabay sa impeachment trial na timbangin ang sustansya at nilalaman ng mga ipiniprinsintang katibayan at testimonya sa halip na bigyang-pansin ang mga post, komento at reaksyon lalo na sa social media.
“Let us learn to discern. Tingnan natin, sino ba ang nagsasabi ng totoo dito? Ano ba iyong ebidensya, iyong bigat ng ebidensya?”
Kinastigo rin ni Kapunan ang paniniwalang ang social media ang batayan sa tunay na sentimyento ng mga mamamayan lalo na sa isyu ng korapsyon o maling paggamit ng pondo ng bayan, gaya ng mga alegasyong kinakaharap ni VP Sara.
Aniya, dapat mas tutukan ng publiko ang paghahatid ng makatotohanan at tamang impormasyon ng legitimate news organizations, dahil ang pagsunod sa planado at sadyang disinformation campaign sumisira sa integridad ng information environment at pagtitiwala sa mga mamamahayag.
“The proceeding should not be reduced to competing hashtags, personal attacks or claims of online dominance: Accountability po ang pinag-uusapan.”
