Ni LOUIE LEGARDA
SINIMULAN na ng pamahalaan ang pangangalap ng mga ebidensyang gagamitin ng Pilipinas sa panibagong kasong isasampa laban sa bansang China kaugnay ng mga di umano’y ilegal na aktibidades sa West Philippine Sea.
Ayon National Security Council Assistant Director Jonathan Malaya, agad na isusumite ang mga ebidensya sa Department of Justice (DOJ) at Office of the Solicitor General na mag-aasikaso sa susunod na hakbang ng Pilipinas laban sa China.
“We’re currently collecting all the necessary evidence and information because the filing of another case, in particular an environmental case, of course, will require evidence and necessary data and information,” wika ni Malaya.
Gayunpaman, walang binanggit ang NSC official kung kailan at kung saan isasampa ang kaso – “It will depend on the gravity of the evidence because we will not go to court if we will not win.”
Una nang nanawagan si retired Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio sa pamahalaan na ikonsidera ang paghahain ng kaso kontra China sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Kabilang sa ebidensyang nakalap ng Philippine Coast Guard ang mga larawang kuha mula 2019 hanggang 2019 kung saan huli sa akto ang mga Tsino habang nangunguha ng higanteng taklobo, naglalakihang pagi, topshells at turtles.
Pag-amin pa ng NSC official, napagkasunduan ng ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sampahan ng kaso ang China bunsod ng walang humpay na paninira sa mga bahurang nasa loob ng 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone.
“Given itong mga ebidensya na nakalap natin mula pa noong 2016 hanggang ngayon, siguro po panahon na para magsampa ng isang panibagong kaso ang ating bansa.” aniya pa,
Hulto ng taong 2016 nang maglabas ng desisyon ang Permanent Court of Arbitration pabor sa Pilipinas, kasabay ng pagbasura sa “nine-dash line” ng China.
Nanindigan ang natuirang korte na pasok sa exclusive economic zone ng Pilipinas ang West Philippine Sea na inaangkin ng China.
