Ni LOUIE LEGARDA
KATULAD ng yumaong diktador, ayaw din ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nababatikos.
Sa ginanap na public briefing as Palasyo, inamin ni National Intelligence Coordinating Agency (NICA) Deputy Director General Abelardo Villacorta na nakikipag-ugnayan na ang ahensya sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at iba pang tanggapan ng gobyerno para tuntunin at tukuyin ang mga kritikong bumabatikos sa Pangulo.
Partikular na tinukoy ni Villacorta ang mga vloggers at social media influencers na bahagi ng malawakang propaganda laban sa administrasyong Marcos.
“We came up with an arrangement that we will work together in identifying all these social media bloggers and hackers and even this fake of the President,” wika ni Villacorta.
Gayunpaman, aminado ang opisyal na hindi madaling tukutin at hanapin ang grupo sa likod ng tinawag niyang deep fake audio na lumalabas na nagmula sa ibang bansa.
Sa naturang audio recording, bumida ang isang tinig ni Marcos na nagbibigay direktiba sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na tapatan ng karahasan ang pambabarako ng China sa West Philippine Sea.
“Lumalabas na ang VPN (virtual private network) nila ay nasa kabilang bansa, so it is becoming very challenging on our part to really identify these people involved in this kind of activity,” dagdag ni Villacorta.
