
Ni ESTONG REYES
SA gitna ng usap-usapang kudetang ikinasa di umano ni Senador Jinggoy Estrada sa hangaring patalsikin ang liderato ng Senado, lumagda ang mayorya sa isang resolusyon sumusuporta sa liderato ni Senate President Juan Miguel Zubiri.
Gayunpaman, iginiit ni Senador Imee Marcos na hindi si Estrada ang pasimuno ng kudeta kontra Zubiri – kundi ang sa Kamara de Representantes na pinamumunuan ng pinsan niyang si House Speaker Martin Romualdez.
“Lahat ng ugong galing sa kongreso, hindi sa mga senador,” ayon kay Marcos sa isang panayam.
“Nakakatawa nga eh. Palitan na lang kaya nila yung Speaker, bakit nila pinapakialaman ang SP,” patutsada ng Senador Marcos sa lider ng Kamara.
Aniya, hindi magtatagumpay ang pagpapatalsik kay Zubiri sa ngayon. Ang dahilan – walang sapat na bilang ng mga senador na magsusulong sa resolusyon nagtutulak ng pagpapalit ng liderato ng Senado.
“Kasi wala naman numero.”
Kabilang sa mga lumagda sa Senate resolution sina Senador Sonny Angara at Sherwin Gatchalian.
“I already signed (the resolution) in support of the Senate President,” ayon kay Angara sa ambush interview.
Para kay Angara, maihahambing sa isang loyalty check ang umiikot na resolusyon sa lahat ng miyembro ng Mataas na Kapulungan, bagay na lubos na ikinadismaya ni Estrada.
“Eh kasi nga parang pabalik-balik ang mga rumors so we just want to put the issue to rest para we can work properly,” ayon kay Angara.
Pag-amin ni Angara, pinaikot sa mga tanggapan ng senador ang nasabing resolusyon – “Wala naman pressure. We just have to make sure that that is not manufactured. So I think the Senate President is reaching out to everyone,” ani Angara.
Kamakailan, kumalat din sa Senado ang balitang SP na umano ang tawag ng staff kay Estrada ngunit, naunsiyami matapos hatulan ang senador sa kasong direct bribery hinggil sa pork barrel scam.
Nakulong si Estrada sa panahon ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino, tanging presidente ng Pilipinas na nagpakulong sa nakasuhan ng corruption, matapos matuklasan ang di umano’y sabwatan sa pagitan ng ilang senador at tinaguriang pork barrel queen, Janet Napoles.
Absuwelto si Estrada sa kasong plunder, habang guilty ang hatol sa kasong direct bribery. Gayunpaman, pinahintulutan siu Estrada makapaglagak ng piyansa sa bisa ng apela sa hukuman.
Lumagda din sa resolusyon si Gatchalian na nagsabing hindi lamang suporta ang kalakip ng kanyang pirma – kundi pati ang pasasalamat sa pagtatanggol sa Senado bilang isang institusyon.
“That resolution is also to show gratitude and to say thanks to his leadership… I’ve never heard of a coup and you can see how the Senate president has defended the institution,” giit ni Gatchalian.
Usap-usapan din ang di umano’y napipintong pagpirma ni Senador Bong Revilla na kapwa akusado ni Estrada sa plunder.
Samantala, todo-tanggi si Estrada sa kumakalat na balitang nagtuturo sa kanya bilang promotor ng kudeta sa senado.
“I have high respects to Senate President Zubiri,” ayon kay Estrada saka sinabing nakahanda itong lumagda sa manifesto kapag dumaan sa kanyang tanggapan.
Samantala, walang pakialam si Senador Cynthia Villar maski sino pa ang maging Senate President –“Basta sa akin, i-protect lang ang Senado ok na sa akin. Kasi kapag pumayag ka sa ChaCha baka matanggal ang Senate,” pagtatapos ni Villar.