Ni ESTONG REYES
WALANG kahirap-hirap na nakalikom ng malaking kwarta si Pastor Apollo Quiboloy ng sektang Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa tulong ng nagpakilalang lider ng isang foundation na ginamit sa pangangalap ng pondo.
Sa testimonyang inilahad sa pagdinig ng Senate Committee on Women. Children, Family Relations and Gender Equality, ibinulgar ni Dindo Maquiling na miyembro ng KOJC na nakabase sa Canada, milyon-milyong dolyar ang isinampa ng kanyang grupo kay Quiboloy.
Ayon kay Maquiling, itinalaga siya bilang executive director ng Children’s Joy Foundation sa Canada, na sadyang binuo para mangalap ng pondo para sa biktima ng bagyong Yolanda.
Bukod aniya sa mga biktima ng kalamidad, kabilang rin di umano sa sinabi ni Quiboloy na pinaglalaanan ng pondo ang mga kabataang Pinoy mula sa maralitang pamilya.
Sa mga panahong yaon, dagdag pa ni Maquiling, ginamit niya ang sariling koneksyon sa mga malls, supermarket at grocery stores na nag-ambag ng hindi bababa sa $4,000 kada araw.
Gayunpaman, lubos aniya siyang nadismaya matapos mabisto ang katotohanan nang bumalik sa Pilipinas.
“Hindi talaga siya tulong para sa mga mahihirap. Meron man doon talagang hinango nila from poverty, pira-piraso lang, iilan lang. In fact, ang claim nila is thousands of children were being fed. Nung ako’y nandun, wala pang 300 bata. And then, ito, kaya ako talaga na nagkaroon ako ng question,” aniya
“Kasi, all the money that we collect here, ganito ang nangyari, lalabas ang pera na hindi ko alam,” dagdag niya.
Minsan, ayon pa kay Maquiling, pinagsabihan siya na ipadala ang pondo para sa shelter program sa halagang $60,000 sa isang Rosalie Magnao upang magamit sa jet ni Pastor Quiboloy.
“Most of the funds, makikita ko naman yung sa mga report nila, pumupunta sa kung saan, hindi na pupunta talaga sa bata… Ang Canada Revenue [Agency], is already questioning me, kung saan ang mga pera na ginagamit. Sabi ko, wala man akong first hand (information),” ayon kay Maquiling.
“Na-release na ang pera bago ako informed… I am the person responsible for Canada Children’s Joy Foundation. And who will, sinong managot sa government dito? Ako,” giit pa niya.
Sa pagkadismaya, nagpasya na lang di umano siyang tumiwalag sa sekta ni Quiboloy taong 2019, matapos atasan siyang doblehin ang sinasampang pera.
“So, 2019, nag-resign na ako kasi… mayroong 1 million plus na pinadala kami sa Pilipinas na walang explanation … More than 1 million Canadian dollars on that year,” aniya.
“Sabi ko, oh my God, sabi ko. Ito na yung afternoon nahuli siya sa Hawaii kasi, iyon talaga ang sistema nila. Collect money from North America, ikarga nila sa jet para dalhin sa Pilipinas… na walang fees, walang bawas,” dagdag ng saksi.
Sa kanyang pagkalas sa KOJC, binuweltahan di umano siya ni Quiboloy sa paraan ng paglalagay sa kanya sa malaking kahihiyan.
“Ako pa inakusahan nagnakaw ng pera. How can I steal money? I am not the treasurer. I cannot even sign. What? Paano ko nakawin ang pera?,” ayon kay Maquiling.
“Three months niya ako halos d’yan tinadtad na sa 2020 d’yan sa program niya sa…Mag-Give Us This Day man ‘yun. Binabanggit niya yan, Maquiling. Pinapakita pa litrato ko, yung magnanakaw, Maquiling,” aniya.
“Nandadaya d’yan daw sa Canada. Pero nanahimik ako. Hindi nga ako sumagot. Nanahimik lang ako kasi nagbigay na siya ng threat eh. Mamatay ang nanay ko, mamatay ang pamilya ko, mamatay si ganyan,” dagdag niya.
Samantala, ibang diskarte naman di umano ang taktika ni Quiboloy sa Singapore, pagtatapat ni Reynita Fernandez na dating nagtatrabaho bilang domestic helper sa Singapore.
Aniya, naniningil ang KOJC ng 500 Singaporean dollars sa tuwing dumadalo sila ng kanyang mga kasamahan sa ministry noong 2016.
May pagkakataon pa umanong pinagbayad siya ng 2,000 Singapore dollars na lubos naman ikinatuwa ni Quiboloy. Sa labis na tuwa, itinalaga siya bilang leader ng mga KOJC members na nakabase sa bansang Singapore mula Setyembre 2016 hanggang Marso ng sumunod na taon.
“We did [everything] like mag-loan, mag-solicit, magtinda, everything that earns money kahit magbale-balentong ka basta may money ka na irere-mit sa kanila and individually, you are given a certain quota. They assigned me as a leader, my quota is 12,000 Singapore dollars and where can I get that money?” aniya.
“I have to give them something like my $200 monthly earnings. On top of that, apart from giving your 10% of your income, plus the offering. And when you become really committed, when they say that you are very committed to giving, they will make it like, they turn it around. Like, your tithes are gonna be 90%, not just 10%,” dagdag pa niya.
Pag-amin ni Fernandez, napaniwala siya ni Quiboloy na mas maraming biyaya ang darating kung mas malaki ang abuloy sa KOJC.
“We only remit tiny bit and everything with the rest of money will go to Davao City, to Quiboloy and I know that, because they also used me one time because in Singapore, no one is allowed to send a lot of money in one single day but one day they also asked me to send like you know more than a hundred thousand,” aniya.
Illegal din ang operasyon ngn KOJC sa Singapore, ayon pa kay Fernandez.
“I found out that nagpadala siya dito ng mga full-time workers. Mga full-time workers. But then, it’s not in a legal way. But to make it legal, ang ginagawa nila is nagbabayad sila ng tao na taga-rito sa Singapore to stand for them as an employer. So, in that way, every worker, they can go house to house every day, like from morning until night. So that mas maraming pera yung malilikom nila. So, it’s illegal,” aniya.
Hindi dumalo si Quiboloy sa pagdinig.
Gayunpaman, inanyayahan ni Senador Risa Hontiveros ang Anti-Money Laundering Council at Department of Migrant Workers sa susunod na pagdinig upang magbigay linaw sa lahat ng akusasyon.
“Kung totoo po yung mga sinabi ng mga witness, isa ang naging malinaw sa pagdinig natin ngayong araw, scammer si Apollo Quiboloy,” ayon kay Hontiveros.
“Sa Amerika, na-indict din si Quiboloy on bulk cash smuggling, bukod pa sa mga kaso ng sex trafficking, fraud, kaya importante ang narinig natin yung paggamit ng mga pekeng account, and coercion. At ngayong araw napag-alaman natin mukhang nakaabot pa sa Singapore at sa Canada,” dagdag ni Hontiveros.
