Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN
ALINSUNOD sa hangad ng Pangulo na magkaroon ng alternatibo sa public transportation, nagbigay-hudyat ang liderato ng Kamara na i-prayoridad ang pagtalakay sa panukalang nagsusulong gawing legal ang operasyon ng motorcycle taxi sa bansa.
Sa isang pulong kasama ang mga opisyal ng Grab Holdings Inc., inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mas maraming paraan sa pagbiyahe ng mga commuter sector at bigyan-solusyon ang lumalalang problema sa public transportation.
Kaya ang tugon ni House Speaker Martin Romualdez, puspusan at paspasan ang pagtalakay ng Kamara sa panukala kaugnay ng legalisasyon ng motorcycle taxi at magkaroon ng reporma sa kasalukuyang regulasyon hinggil sa transportation network vehicle service (TNVS) sa bansa.
“The maintenance of peace and order, the protection of life, liberty, and property, and the promotion of the general welfare are foundational to our democracy. It’s imperative to adapt our laws to the evolving transportation landscape to ensure the well-being and convenience of our citizens,” pahayag ni Romualdez.
Ani Speaker Romualdez, layunin ng panukala na tugunan ang mga legal na balakid sa pagbiyahe ng mga motorsiklo bilang isang pampublikong transportasyon, na ipinagbabawal sa kasalukuyang batas.
Sa kasalukuyan, pinahintulutan ang operasyon ng mga motorcycle taxi sa Metro Manila at Cebu pero sa bilang bahagi lang ng pilot testing na sinimulan noong taong 2019.
“Marami na pong kababayan natin ang nabigyan ng trabaho at kabuhayan mula sa industriya ng motorcycle taxis. Panahon na pong kilalanin kila bilang responsableng bahagi ng lipunang Pilipino at mabigyan ng sapat na regulasyon para mapangalagaan ang interes ng mamamayan,” diin pa ng Leyte lawmaker.
Sa kasalukuyan, nakabinbin ang motorcycle taxi bill sa Kamara kung saan nakapaloob rin ang pagkakaroon ng regulasyon para sa mga App-Driven Transport Network Companies.
Layunin ng regulasyon na matiyak ang kaligtasan ng mga mananakay at maging kabalikat ito sa pagpapaunlad ng bansa.
“The legalization of motorcycle taxis and the relaxation of TNVS regulations align with our goals to provide more choices for passengers, drivers, and businesses, particularly MSMEs. This approach not only addresses the demand for more accessible public transport but also contributes to the economic recovery and employment opportunities in the country,” ayon pa sa lider-kongresista kasabay ng pangakong bibigyan prayoridad ang pagtalakay ng mga nakasalang na panukala – kabilang na ang House Bill 3412, na akda nina 1-Rider Partylist Reps. Rodge Gutierrez at Bonifacio Bosita.
