Ni ESTONG REYES
SA pag-upo ng kauna-unahang babaeng chairperson ng makapangyarihang Blue Ribbon Committee, hindi sasantuhin ang mga bulilyasong taong gobyerno kesehodang tuta pa ng Pangulo.
Ito ang tiniyak ni Senador Pia Cayetano kaugnay ng mga imbestigasyon at pagdinig ng Senado hinggil sa katiwalian sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr. matapos ang pormal na pagtanggap ng pwesto bilang chairperson ng Senate Committee on Accountability of Public Officers and Investigations, na mas kilala bilang Blue Ribbon Committee.
Ayon kay Cayetano, bagamat madalas marinig ang komite sa tuwing may bagong kontrobersiya, marami naman aniya ang hindi lubos na nakakaunawa sa ginagampanang papel ng Blue Ribbon.
“Sa totoo lang, napakahalaga ng Senate Blue Ribbon Committee dahil ito ang nagsisilbing watchdog laban sa katiwalian ng mga opisyal ng pamahalaan,” ayon kay Cayetano.
Babala ni Cayetano, walang sasantuhin ang komite kasabay ng pagtitiyak na hindi palalampasin ang katampalasan at pagbalewala sa mga patawag kaugnay ng imbestigasyon o pagdinig ng komite sa mga alegasyon ng katiwalian sa pamahalaan.
Maghahain naman ang Senado ng isang panukalang batas upang hindi maulit ang katiwalian o sa sinasabing “plugging the loopholes” sa sistema ng pamahalaan.
“Para sa marami, kritikal ang komite sa pagtitiyak na nagagampanan ng tama ang pananagutan ng mga opisyal ng gobyerno,” aniya.
Aniya pa, mahalaga ang komite upang upang masugpo ang katiwalian at mapalakas ang tiwala ng mamamayan sa gobyerno. “Ngunit sa kabila nito, mayroon ding mga bumabatikos at nag-aalalang baka maabuso ang komite para sa politikal na interes. Imbes na in aid of legislation, nagiging in aid of reelection daw.”
