HINDI na nagawang ikubli ng isang senador ang pagkadismaya kasunod ng mga ulat hinggil sa hindi pagtalima sa mga probisyong kalakip ng Republic Act 11861 (Expanded Solo Parent Act) na nagtataguyod sa interes ng mga inang mag-isang nagtataguyod ng pamilya.
Partikular na tinukoy ni Senador Bong Go ang kawalan ng sigasig ng mga lokal na pamahalaan sa implementasyon ng Solo Parent Act na nagtatakda ng P1,000 buwanang allowance, 10% diskwento at value-added tax (VAT) exemption para sa naturang sektor.
“I will file a resolution para ma-review ang implementasyon ng batas na yan. Para sa mga solo parent yan. Pero kung hindi naman nila natatanggap ang mga benepisyo nito, ano pa ang saysay,” galit na pahayag ni Go na kabilang sa mga nagsulong sa naturang batas.
“Ikokonsulta ko rin kay Senadora Risa Hontiveros, ang primary author ng naturang batas, hinggil sa gagawin nating resolusyon,” dagdag pa ng senador.
Aniya, nakatanggap rin ng impormasyon ang kanyang tanggapan na maging ang mga mayamang lokalidad hindi nagbibigay ng P1,000 na monthly allowance ng mga kwalipikadong solo parents, alinsunod sa nasabing batas.
“Ang mas masaklap yung mga solo parents sa 5th o 6th class municipalities – wala talagang natatanggap na ni singko dahil ayon sa balita, wala raw sila pagkukunan ng pondo”.
Maging ang 10 porsyentong diskwento alinsunod sa RA 11861, hindi rin aniya kinikilala ng mga establisimyento, mga supermarket, grocery stores at maging sa mga botika.
“Nagtataka rin ako dahil wala rin daw ibinibigay na 10 percent discount ang mga grocery store at mga botika na may mga anak na 6 years old and below”.