
MATAPOS ang mahigit dalawang dekada mula nang isabatas ang Republic Act 9003 (Ecological Solid Waste Management Act of 2000), nananatiling problema sa 70% porsyento ng mga local government units (LGU) sa Pilipinas ang kawalan ng maayos pasilidad na pinagdadalan ng basura.
Sa inilabas na Performance Audit Report ng Commission on Audit (COA), 478 lang sa kabuuang 1,634 lungsod at munisipalidad ang mayroong pasilidad kung saan dinadala ang nakokolektang basura, batay sa datos na nakalap mula sa DENR-Environmental Management Bureau at National Solid Waste Management Council (NSWMC).
Hindi rin anila totoo ang paandar ng isang dating opisyal ng Department of Environment Resources (DENR) na nagsabing naisara na ng kagawaran ang lahat ng open dumpsites sa buong bansa.
Partikular na tinukoy ng COA ang paandar ng kontrobersyal na dating DENR Undersecretary Benny Antiporda noong buwan ng Mayo 2021 nang sabihin niyang sarado na ang lahat ng open dumpsites.
“In 2021, the DENR announced the successful closing of all dumpsites nationwide. However, our validation from March to April 2022 revealed that not all dumpsites were successfully closed,” saad sa isang bahagi ng ulat ng COA.
Katunayan pa anila, may mga open dumpsites ang muling binuksan at nagbalik operasyon dahil sa kawalan ng pagtatapunan ng basura sa nasasakupang lokalidad.
“As of 2021, the country has 245 total operational Sanitary Landfills servicing 478 (29.25 percent) of 1,634 LGUs. Due to the limitation in disposal facilities, the operation of the illegal dumpsites could not be avoided in some LGUs,” the government auditors said.
Kabilang sa mga LGUs na sinasabing nagbukas muli ng kanilang mga open dumpsites ang mga lalawigan ng Camarines Sur, Davao del Sur, Cebu at Davao de Oro – bagay na inamin ng National Solid Waste Management Commission (NSWMC).
Ayon sa NSWMC, napipilitan ang mga LGUs na buksan muli ang mga pinasarang open dumpsites dahil sa kawalan ng pasilidad na maaaring pagtapunan ng dumadaming basura sa nasasakupan.
Una nang kinastigo ng mga lokal na pamahalaan ang pagpapasara ng DENR sa kanilang open dumpsites dahil sa kawalan ng alternatibo o tulong man lang sa nasabing ahensya lalo pa’t malaking gastos ang na singil ng private landfill operator at ang pagdadala ng basura sa mga pasilidad na pasok sa pamantayan ng RA 9003.
Karamihan din anila ng mga landfills sa bansa ay pag-aari ng mga pribadong negosyante.