SA hangaring bigyan ng pagkakakitaan ang mga malaralitang estudyante sa mga pamantasan pinangangasiwaan ng pamahalaan, nakatakdang pumili ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng 6,000 3rd at 4th year college students para turuan magbasa ang mga mag-aaral sa Grade 1.
Katuwang and Department of Education (DepEd), target ng DSWD tulungan at turuan magbasa ang nasa 63,000 grade 1 students sa Metro Manila sa ilalim ng programang ‘Tara Basa.’
Ayon kay DSWD spokesperson Rommel Lopez, sila mismo ang kakalap ng mga maralitang 3rd at 4th year college students mula sa piling state universities sa Metro Manila upang lumahok sa implementasyon ng programa.
Batay sa panuntunan ng programang Tara Basa, bibigyan ng P235 arawang sahod kada araw ang mapipiling Youth Development Workers, kapalit ng pagtuturo sa mga Grade 1 pupils mula sa 490 pampublikong paaralan sa buong Metro Manila.
Alinsunod sa mekanismo ng programa, 10 grade 1 students ang sasailalim sa gabay ng Youth Development Workers na magsasagawa ng dalawang oras na klase kada araw, sa loob ng isang buwan.
Mag-umpisa ang programang Tara Basa sa Agosto 14 at magtatapos sa buwan ng Nobyembre ng kasalukuyang taon, ayon pa kay Lopez.
Paglilinaw ni Lopez, hindi limitado sa Metro Manila ang Tara Basa program. Katunayan aniya, target ng kagawaran palawigin ang programa sa sa iba pang mga rehiyon ng bansa.