NAGKASA ng mas malalim na imbestigasyon ang Department of Justice (DOJ) matapos makatanggap ng impormasyon na sangkot di umano sa malawakang fuel smuggling ang MT Terra Nova na lumubog sa isang bahagi ng Manila Bay sa dakong Limay sa lalawigan ng Bataan.
“May intelligence reports naman na ‘paihi’ system ang umiiral. Tapos yung isa pang tumaob na vessel, walang makina… Ginawa nilang tanker pero hinihila lang,” wika ni Remulla sa isang panayam sa radyo.
Maging ang Philippine Coast Guard (PCG) na aniya’y nakakaalam sa galaw ng mga barko sa karagatan, kasama din umano sa mga iimbestigahan ng DOJ.

Samantala, maglulunsad ng bukod na imbestigasyon ang Department of the Interior and Local Government (DILG) hinggil sa posibilidad na smuggled fuel ang bitbit ng MT Terra Nova nang maganap ang insidente.
“Ang sa akin lang, ang laking perwisyo nito. Maraming naperwisyo sa negosyo, maraming naperwisyo na trabaho, fishpond operators, maraming naapektuhan tapos meron ka pang nakitang ecological damage. Dapat may managot dito,” pahayag ni Abalos sa isang pulong-balitaan sa PCG Headquarters.
“What is important is imbestigahan ito, kung may kasalanan, dapat idemanda,” dagdag ng Kalihim.
Sa kaugnay na balita, nagpahayag ng kahandaan ang Philippine Coast Guard na sumailalim sa imbestigasyon kaugnay ng fuel smuggling na nasilip ng DOJ.
Ayon kay PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan, walang puwang sa bantay-dagat ang pakikipagsabwatan sa mga tulisan.
“We assure everybody that a full investigation will proceed after the oil has been cleared from the site. The assurance also is we will impose appropriate sanctions to our people if they are found after investigation to be involved in this. But for now, we are focused on our mission, which is to prevent the oil spill,” hirit ni Gavan.
Bukod sa MT Terra Nova na may kargang 1.4-milyong litro ng krudo, kabilang rin sa tatalupan sa paihi modus ang MT Jason Bradley na kargado ng 5,500 litrong langis sa paglubog sa karagatang sakop ng Mariveles, at MV Mirola 1 na kargado ng diesel.
Kapansin-pansin naman na hindi kabilang sa tatalupan ng sabayang imbestigasyon ng DOJ at DILG ang Bureau of Customs na nangangasiwa sa pagpasok at paglabas ng langis sa bansa.
