MULING binulabog ng kilos protesta ang punong tanggapan ng Korte Suprema sa Maynila. Sigaw ng mga raliyista — kalayaan para kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Partikular na tinungo ng grupong Maisug (Digong Duterte Supporters) para igiit sa Korte Suprema ang pagpapairal ng hustisya para kay Duterte na kasalukuyang nakapiit sa The Hague bunsod ng kinakaharap na crimes against humanity kaugnay ng madugong giyera kontra droga sa ilalim ng nakalipas na administrasyon.
Kwento ng isang raliyista, nagmartsa ang mga kasaping nagmula pa sa iba’t ibang panig ng bansa upang kulitin ang husgado na aksyunan ang petisyon para sa habeas corpus ng dating pangulo.
Samantala, tinawag na peke ng mga demonstrador ang impeachment process laban kay Vice President Sara Duterte.
“Due process, ibigay kay Inday,” sigaw ng mga kalahok sa kilos-protesta.
Hiniling din ng grupo na ibasura ang Oil Deregulation Law, kasabay ng panawagan para sa agarang umento sa sahod at pagbaba ng presyo ng mga bilihin.
Kabilang rin sa hirit ng Maisug ang suspensyon sa ipinapataw na value-added tax sa mga produktong petrolyo.
