
MATAPOS ang maglabas ng mandamiento de arresto ang Muntinlupa City Regional Trial Court, agad na naglunsad ng malawakang manhunt operation ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) laban sa mga pangunahing suspek sa likod ng pagpatay sa beteranong komentaristang si Percival Mabasa na mas kilala sa pangalang Percy Lapid.
Sa kalatas ng CIDG, target dakpin si dating Bureau of Corrections (BuCor) Chief Gerald Bantag at ang dating deputadong si Jail Officer Ricardo Soriano Zulueta.
Ayon kay CIDG Director PBGen. Romeo Caramat, dinispatsa na sa bisa ng mission order ang mga tracker team sa hangaring matimbog ang sinibak na BuCor chief kaugnay ng warrant of arrest para sa kasong murder na inilabas ng Muntinlupa RTC Branch 266.
Oktubre 3 ng nakaraang taon ng paslangin ng sumukong gunman na si Joel Escorial si Lapid habang minamaneho ang sasakyan patungo sa studio para sa programa sa radyo.
Ayon kay Escorial, binayaran siya para patayin ang komentarista.
Higit na kilala si Lapid sa matapang na pagsisiwalat ng mga bulilyasong kinasasangkutan ng mga taong gobyerno.