
PARA kay Agri partylist congressman at 2025 senatorial aspirant na si Wilbert Lee, higit na angkop talupan ng Kamara ang aniya’y nakakabahalang tigil-operasyon ng mga small-scale rice and corn millers mula sa humigit kumulang 1,000 barangay sa iba’t-ibang panig ng bansa.
Sa inihaing House Resolution No. 2150, binigyan-diin ni Lee na mas kinakailangang maparami ang rice at corn millers at mabigyan ng sapat na suporta ng pamahalaan para masiguro ang patuloy na pagiging katuwang sa produksyon ng mga magsasaka lalo na sa mga malalayong lugar.
“Nakakabahala ang pagsasara ng mga rice and corn millers sa napakaraming barangay sa bansa na hindi nakasabay sa pagdagsa ng mas murang imported na produkto sa merkado. Marami na naman nating magsasaka ang apektado ang kabuhayan at kita sa mga pagsasarang ito,” wika ng Bicolano solon.
“Kailangang suriin agad ang usaping ito dahil kung hindi ito matutugunan, posibleng dumami pa ang magsasarang rice and corn millers sa mga susunod na taon, lalo na kung mananatiling mababa ang taripa at dagsa pa rin ang papasok na imported na produkto sa merkado,” dagdag ng kongresista.
Ayon kay Lee, lubhang apektado ang sektor ng mga magsasakang posible umanong mawalan na rin ng gana sa pagtatanim o pagsasaka hanggang sa tuluyang bumaba ang produksyon – “na siya namang magpapalayo sa katuparan ng food security sa bansa.”
Giit ni Lee, dapat mabusisi rin ang kasalukuyang programa ng pamahalaan partikular kung epektibo ba ito, at kung nakakatugon sa estado ng local rice at corn industries. Napapanahon na rin aniya tumukoy ng short-term at long-term interventions para mapigilan ang tuluyang pagsasara ng mga bayuhan ng palay at mais.
“With small-scale rice and corn mills closing despite recurring calls to elevate the state of the country’s agriculture sector, the government needs to recalibrate its policies so progress can be felt by our local food producers. Di pwedeng habang bukambibig na dapat maging mura ang pagkain at prayoridad ang agrikultura ay napapabayaan naman ang ating mga magsasaka, mangingisda at local food producers,” anang Agri partylist lawmaker. (Romeo Allan Butuyan II)