Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
ISINUSULONG ni lawmaker Manoy Wilbert “Wise” Lee ang pagbibigay ng libreng bakuna sa lahat ng senior citizen partikular ang panlaban sa infectious diseases bilang pagbibigay proteksyon at pangangalaga sa kanilang kalusugan.
Sa House Bill 11055 (Safeguarding Seniors: Free Immunization Act of 2024), iminungkahi ni Lee na amyendahan ang Republic Act 9994 (Expanded Senior Citizens Act of 2010), na isama ang lahat ng senior citizens, hindi lamang ang indigents, sa free vaccination program ng pamahalaan.
Nais din ng Bicolano lawmaker na bukod sa free vaccines para sa influenza virus at pneumococcal disease, ang libreng bakuna para sa seniors ay dapat mayroon din para sa pertussis (whooping cough), tetanus at diphtheria, at iba pang karamdaman na irerekomenda ng Department of Health (DOH).
“Tayong mga Pilipino ay malaki ang pagpapahalaga sa ating mga lolo at lola, sa ating mga magulang na nag-alaga at nagpalaki sa atin, at nagtaguyod sa ating pamilya. Sa kanilang pagtanda, sila naman ang gusto nating arugain at talagang dapat pagkalooban ng karampatang kalinga,” ayon kay Lee.
“Many diseases can have severe or even fatal effects for older adults, whose immune systems often become weaker as they age. Kaya napakahalaga ng bakuna para maiwasan ang mga sakit, lalo na kung gagawin itong libre at mas accessible para sa lahat ng ating senior citizens,” dugtong niya.
Binigyan-diin ni Lee na ang pagbibigay proteksyon sa mga nakatatanda mula sa iba’t-ibang sakit ay hindi lamang para sa kalusugan ng mga ito kundi mag-aalis din sa pangamba na pagkakaroon ng malaking gastusin sa pagpapagamot kapag dinapuan ng malalang karamdaman.
“Laging may pangamba ang ating mga kababayan, lalo na ang ating senior citizens, na magkasakit, dahil ayaw na nilang maging pabigat pa sa pamilya, lalo sa mahal na gastos sa gamot at pagpapa-ospital. Kaya marami ang hinahayaan na lang ang karamdaman, hindi nagpapa-checkup at parang naghihintay na lang ng oras nila,” pahabol ni Lee.
