NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
KUNG hangad ng pamahalaan panatilihing ligtas ang mga komunidad sa mga insidente ng sunog, hindi dapat pigilan ang Bureau of Fire Protection (BFP) na bumili ng mga makabagong kagamitang pamatay-sunog gamit ang nalikom na pondo mula sa implementasyon ng Fire Code of the Philippines.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni Senador Ronald dela Rosa ang P1-billion cap o limitasyon sa ahensya para gamitin ang koleksyon sa isinusulong na BFP modernization.
Sa Senate plenary deliberations para sa 2025 national budget, pinuna ni Dela Rosa na ang special provision para sa P1-billion cap ay inalis sa 2024 General Appropriations Act (GAA) subalit ito ay muling inilagay sa 2025 National Expenditure Program (NEP) na isinumite ng Executive Department at kinatigan sa 2025 General Appropriations Bill.
“The cap of P1 billion is again present in the special provision under the BFP budget. This cap limits the BFP to utilize their available funds. Ibig sabihin po kahit meron naman silang pambili ng additional fire trucks or personal protective equipment, hindi po sila makakabili dahil sa cap na ito,” paliwanag ni Dela Rosa.
Ayon naman kay Senate Majority Leader Francis Tolentino, na siyang nag-sponsor sa proposed 2025 budget ng BFP ang pag-alis sa cap sa 2024 GAA ay bunsod sa veto ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“It was part of a veto message for conditional implementation,” sabi pa ni Tolentino.
Subalit hiniling pa rin ni Dela Rosa ang pag-alis sa naturang special provision upang aniya ay “ to give a chance for the BFP to use their available funds.”
“At least natanggal pa rin natin yung cap. Bahala na sila sa Malacañang kung ipa-veto nila,” giit pa ng Mindanaoan lawmaker.
Sumang-ayon naman si Tolentino sa panukala ni Dela Rosa na alisin ang special provision na naglilimita sa BFP para magamit nito ng buo ang koleksyon ng ahensya mula sa Fire Code.
Sa ilalim ng Republic Act 9514 o ang revised Fire Code of the Philippines, 80 percent ng taxes, fees, at multang nakolekta ng BFP ay dapat i-remit sa National Treasury sa ilalim ng trust fund para sa modernization programa ng una.
Si Dela Rosa ang siyang nanguna sa pag-apruba sa Senado ng Republic Act 11589 o ang BFP Modernization Act noon 2021.
