NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
UMAPELA sa mga kapwa mambabatas si Senador Ronald dela Rosa para ibalik ang P10 bilyong tinapyas para sa implementasyon ng Revised Armed Forces of the Philippines (AFP) Modernization Program sa susunod na taon.
Para kay dela Rosa, taliwas ang budget cut sa posisyon ng lehislatura sa usapin ng West Philippine Sea.
Partikular na kinuwestyon ng senador ang mga kongresistang una nang nagpahayag ng suporta sa AFP Modernization Program para protektahan ang soberanya ng bansa sa West Philippine Sea.
Sa pagkukumpara ni dela Rosa sa National Expenditure Program (NEP) at General Appropriations Bill (GAB) na pinagtibay ng Kamara, ikinalulungkot ni Dela Rosa na ang orihinal na hinihingi ng Executive Department na P50 bilyon para sa Revised AFP Modernization Program ay ginawa na lamang P40 bilyon.
“Being a former member of the Armed Forces of the Philippines, a former member of the Philippine National Police, and now a senator of the Republic, I cannot help but point out a glaring contradiction na nakikita ko. Kasi every time may nangyaring hindi maganda during our resupply missions to the Ayungin Shoal… our immediate reaction is like this: ‘We condemn in the highest terms this incident, and we have to see to it that we have to modernize our Philippine Navy,'” pasaring ni dela Rosa.
“Iyon palagi ang linya natin as politicians, as legislators. And now, here comes the budget deliberations, binawasan pa ng P10 billion iyong NEP ng Department of National Defense… Sana coordinated palagi or synchronized iyong sinasabi natin as politicians at iyong ginagawa natin as legislators who have the power of the purse,” dagdag pa niya.
Giit ng former PNP chief, na ang tinatawag na first line of defense ng bansa ay hindi dapat laging pag-iwas sa direktang komprontasyon o pagtakbo palayo kapag hinarap ng mga nagtatangka o maaaring manakit sa kanila.
Ayon pa kay Dela Rosa, dapat ibalik ang nasabing P10 billion budget cut upang mapataas din ang morale ng mga sundalo.
“I am talking about the morale of our people in the field…Baka pwedeng kahit paano ibalik natin iyong ibang halaga dun just to make our soldiers, our sailors feel good that their government is after their welfare… at hindi hanggang lip service lamang tayo [na] iba ang sinasabi, pagdating sa budget deliberation, iba ang ginagawa. So, para natin silang ina-underhand.”
“Hindi natin bini-blame ang gobyerno natin, hirap tayo sa pera. Pero kung maramdaman ko being a soldier, being a sailor na iba pala iyong priority ng gobyerno natin, pina-priority pa iyong pamimigay ng AKAP… tapos binawasan pa ng Lower House ng P10 billion, iba rin ang magiging reaksyon, as far as morale is concerned,” ani Dela Rosa.
Bilang tugon sa sentimyento ni dela Rosa, nangako si Senate Finance Committee Chairperson Grace Poe na tutukan ng komite ang mungkahi ng dating PNP chief.
