SA gitna ng paghihirap ng sambayanan, hindi katanggap-tanggap ang anumang anyo ng panlalamang.

Bilang tugon sa mga reklamo, iminungkahi ni Senador Mark Villar. protektahan ang mga mamamayan laban sa mga abusadong kumpanya sa likod ng naglipanang online lending apps (OLA).

Para kay Villar, napapanahon na umano ipatupad ang mas mahigpit na pagbabantay at regulasyon ng pamahalaan sa mga OLA kasunod ng mga reklamong may kinalaman sa labis na taas ng interes, mapang-abusong paraan ng paniningil, at mapanlamang na sistema ng pagpapautang na lalong nagpapahirap sa mga Pilipino.

Sa kanyang pagtatanong sa panukalang 2027 badyet, binigyang-pansin ni Villar ang mga reklamong natanggap ng kanyang tanggapan mula sa mga indibidwal na humingi ng tulong kaugnay ng kuwestiyonableng gawain ng ilang online lending platform. Ipinahayag niya ang pangamba na maraming nanghihiram ang napipilitang lumapit sa mga online apps dahil sa kagipitan sa pera, ngunit sa halip na makatulong ay lalo silang nababaon sa utang dahil sa sobrang singil, paulit-ulit na pangungutang, at mapang-abusong paraan ng paniningil.

“Marami na po tayong natatanggap na reklamo tungkol sa mga online lending app, lalo na sa mga nangungutang na nababaon sa utang dahil sa tinatawag na ‘debt trap’ at ‘tapal system’ na dulot ng mapanlamang na sistema ng pagpapautang ng ilang OLA,” ani Villar.

Kabilang sa mga reklamo ang labis at mapagsamantalang interes, kuwestiyonableng pamamaraan ng paniningil, at iba pang uri ng pang-aabuso na higit na nakaaapekto sa mga nanghihiram na nasa mahirap na kalagayang pinansyal.

“Hindi naman mayayaman ang karamihan sa mga taong nanghihiram sa mga serbisyong ito. Sila ay mga pinagdaraang pinansyal, at lalo pang lumalala ang kanilang sitwasyon dahil sa ganitong mga gawain. Marami pong biktima ang lalo pang nalulubog sa utang at nakararanas ng walang tigil na pangungulit at pananakot sa pamamagitan ng mga tawag at text mula sa mga online lending app,” diin niya.

Bilang pangunahing may-akda ng Republic Act No. 12010 o Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA), at tagapangulo ng Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies, iginiit ni Villar ang pangangailangan ng mas mahigpit na regulasyon at pagpapatupad ng mga batas upang maprotektahan ang mga mamimili laban sa mapang-abusong operasyon ng mga online lending company.

Bilang tugon sa mga alalahanin ni Villar, ipinaliwanag ng Securities and Exchange Commission (SEC) na kinakailangan magparehistro at sumunod sa umiiral na mga regulasyon ang mga online lending company.

Naglabas din ang Komisyon ng mga babala laban sa mga hindi awtorisado o kuwestiyonableng aktibidad sa pagpapautang. Maaari rin aniyang magpataw ng parusa, magsuspinde ng operasyon, o magbawi ng lisensya ng mga kumpanyang mapatutunayang lumalabag sa mga regulasyon.

Humingi rin si Villar ng update mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) hinggil sa mga hakbang nito laban sa mga financial scam at sa pagpapalakas ng proteksyon sa mga mamimili. Iniulat ng BSP na pinahusay nito ang mga rekisito sa fraud management at information technology, gayundin ang mga mekanismo nito sa pagtatanong at pansamantalang pagpigil sa paggalaw ng pondo sa ilalim ng AFASA framework.

Nakikipag-ugnayan din ang BSP sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan at mga institusyong pinansyal na saklaw ng pangangasiwa nito upang maiwasan, maimbestigahan, at mapigilan ang mga financial scam.

Patuloy rin nitong sinusubaybayan ang pagpapautang sa mga mamimili sa pamamagitan ng mahigpit na pagbabantay sa mga institusyong pinansyal, kabilang ang pagsunod sa maayos na pamantayan sa pagpapautang, pagsusuri sa kakayahan ng mga nanghihiram na magbayad, at pagpapalakas ng pamamahala sa panganib at proteksyon sa mga mamimili.

Binigyang-diin ni Villar na nangangailangan ng tuluy-tuloy na pagkilos ng pamahalaan at mas mahigpit na koordinasyon ng mga kinauukulang ahensya ang paglaban sa mga financial scam at mapang-abusong pamamaraan ng pagpapautang upang matiyak na mapoprotektahan ang mga nanghihiram at mapapanagot ang mga lumalabag.

“Mahalagang matugunan ang mga OLAs dahil marami nang Pilipino ang nabiktima ng mga mapanlinlang na gawaing ito. Kaya nananawagan ako sa SEC at BSP na higit pang palakasin ang kanilang pagbabantay at regulasyon sa mga online lending app, lalo na sa mga kumpanyang nananamantala sa ating mga kababayan,” ani Villar.

Kaakibat ito ng patuloy na pagsusulong ni Villar ng mga hakbang na magpapalakas sa proteksyon ng publiko laban sa pandaraya at mapang-abusong mga gawain sa sektor ng pananalapi. Bukod sa pagiging pangunahing may-akda ng AFASA, inihain din niya sa 20th Congress ang Senate Bill No. 91 o ang panukalang Philippine Scam Prevention Center Act, at Senate Bill No. 92 o ang panukalang Enhanced Consumer Act of the Philippines.

“Bilang pangunahing may-akda ng AFASA, sisiguraduhin nating lubos itong maipatutupad upang maprotektahan ang ating mga kababayan laban sa mga mapang-abusong online lending app at mapanatili ang tiwala ng publiko sa ating digital financial system. Paiimbestigahan din po natin ang mga isyung ito sa ating komite sa lalong madaling panahon. Asahan ninyo ang patuloy nating pagsusulong ng mga batas at reporma para sa mas ligtas at responsableng sektor ng pananalapi sa bansa,” pagtatapos ni Villar.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *