Ni Romeo Allan Butuyan II
KASUNOD ng pagbubukas ng dalawang bagong human immunodeficiency virus (HIV) treatment areas sa Cordillera Administrative Region (CAR), umapela si Philippine Charity Sweepstakes Office Chairman Junie E. Cua sa pagtataguyod ng mas marami pang katulad na pasilidad sa hangaring tugunan ang mataas na bilang ng kumpirmadong kaso ng nasabing karamdaman.
Ayon kay Cua, napapanahon ang pagbubukas ng mga naturang HIV treatment centers lalo pa’t higit aniyang kailangan tutukan ang mga nangangailangan ng lunas sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa datos ng Department of Health (DOH), nasa 50 kaso kada araw ng HIV ang naitatala ng kagawaran ngayong taon – higit pa sa dobleng bilang kumpara sa 22 daily confirmed HIV cases noong nakalipas na 2022.
“Our government is taking active steps to ensure that Filipinos infected by HIV are able to seek treatment. I’m sure that Pres. Ferdinand Marcos, Jr., and the Department of Health are working so that we can have more treatment hubs across the country amid the rise in HIV cases,” ani Cua.
Una nang inamin ni Health Sec. Teodoro Herbosa ang nakitang pagdami ng arawang tala ng mga tinamaan ng HIV sa hanay ng mga kabataan. Base sa datos ng DOH, halos kalahati ng mga bagong kaso ng HIV ay kinasasangkutan ng mga kabataang edad 15 hanggang 24-anyos.
Pinaalalahanan din ni Cua ang mga HIV patients na ang PCSO ay nagbibigay ng tulong para sa paggamot sa pamamagitan ng Medical Access Program ng nabanggit na ahensya.
“Alam naman po natin na mahal ang HIV treatment. Nais lang natin ipaalala sa ating mga kababayan na nagbibigay ang PCSO ng tulong para sa pagpapagamot ng HIV,” ani Cua.
Hinikayat din ni Cua ang mga Pilipinong positibo sa HIV na huwag mag-atubiling magpagamot, dahil binigyang-diin niya na makakatulong ang paggamot na matiyak na ang mga taong may HIV (PLHIV) ay maaari pa ring magkaroon ng magandang kalidad ng buhay.
“Ang sabi nga ng mga eksperto, hindi na death sentence ang magkaroon ng HIV, ‘di tulad noong nakaraan. With early diagnosis and treatment, magkakaroon pa rin tayo ng maayos na buhay,” ayon pa kay Cua.
“Kaya’t huwag po sana tayong magdadalawang-isip na harapin ang HIV, humingi tayo ng tulong sa mga pamilya at kaibigan natin ng suporta. At makakaasa rin po kayo na narito ang PCSO para tulungan din kayo,” dagdag pa ng PCSO chief.