HINDI pa man nag-iinit sa pwesto bilang acting director ng National Bureau of Investigation (NBI), napilitan bumaba si Atty. Lito Magno matapos ihayag ng Palasyo ang paghirang kay Atty. Melvin Matibag bilang bagong NBI chief.
Gayunpaman, nilinaw ng Palasyo na mananatili pa rin sa naturang ahensya ni Magno na hinirang naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang deputy ni Matibag.
Samantala, nagpahayag ng suporta ang mga opisyal at kawani ng NBI sa paghirang kay Matibag bilang bagong NBI director. Sa isang pahayag, tiniyak ang suporta at kooperasyon sa bagong hepe ng ahensya.
Tiniyak din ng NBI na patuloy na gagampanan ang mandato — ang maghatid ng tunay na hustisyang patas at walang kinatatakutan para pagsilbihan ang sambayanan.
Sa panig ni Magno, malaking karangalan aniya ang kanyang panunungkulan kasabay ng pasasalamat sa mga NBI personnel.
Buo naman ang tiwala ni Magno na magpapatuloy sa ilalim ng bagong liderato ang misyon ng NBI na may tapang at integridad. (JULIET PACOT)
