Ni LILY REYES
KASUNOD ng pagbubunyag sa di umano’y kaugnayan ng isang alkalde sa illegal POGO operation sa bayan ng Bamban sa lalawigan ng Tarlac, nagbuo ng isang task force si Interior and Local Government Secretary Abalos para pangunahan ang imbestigasyon kaugnay ng alegasyon.
Bagamat hindi pinangalanan, tiniyak ni Abalos na pananagutin ang mga lokal na opisyales na mapapatunayan sangkot sa illegal POGO operation. Kabilang sa tinutulak ng DILG chief fang paghahain ng kasong administratibo laban sa naturang mayor.
Kabilang sa mga inatasan mag-imbestiga ang anim na abogado sa pamumuno ni DILG Internal Audit Service chief Atty. Benjamin Zabala Jr.
Bago pa man binuo ni Abalos ang nabanggit na task force, una nang hiniling ni Senador Sherwin Gatchalian sa DILG na imbestigahan ang posibleng kaugnayan ni Bamban Mayor Alice Guo sa Zun Yuan Technology Inc. na sinalakay ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) noong Marso 11 bunsod ng reklamong human trafficking at serious illegal detention ng ilang nakatakas na POGO workers.
Sa kabuuan, umabot sa 868 POGO workers — kabilang ang 371 Pinoy, 427 Chinese nationals, 57 Vietnamese, walong Malaysian, tatlong Taiwanese, dalawang Indonesian at dalawang iba pa mula sa bansang Rwandan — ang nasagip sa POGO hub sa isang 10-ektaryang pasilidad hindi kalayuan sa munisipyo ng Bamban.
Kabilang sa mga narekober sa ginawang pagsalakay ng PAOCC ang mga mamahaling sasakyan – kabilang ang Ford Expedition na nakarehistro sa pangalan ni Guo.
Bukod sa Ford Expedition, lumalabas din sa imbestigasyon na kay Guo din nakapangalan ang electricity billing statement ng Zun Yuan Technology.
Samantala, itinanggi Guo ang mga paratang na nag-uugnay sa kanya sa illegal POGO operation ng Zun Yuan Technology Inc.
“…I deny in the strongest terms all of these allegations of criminal conduct, or at least, allegations that I have somehow aided and abetted the supposedly illegal acts of Zun Yuan Technology,” giit ni Guo.
Ayon pa sa alkalde, nakahanda siyang sagutin ang ipinupukol na alegasyon –“I welcome any investigation carried out by the proper authorities at the proper forum.”
