ISA lang sa kada 10 Pilipino ang may tiwala sa bansang China, batay sa resulta ng pinakahuling survey ng Octa Research Group.
Sa datos na kalakip ng resulta ng Tugon ng Masa survey, kabilang sa mga isyung tinukoy ng mga kinapanayam ang usapin hinggil sa hidwaan ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea.
Ayon sa survey, 13 porsyento lamang ang nagsabing dapat magtiwala ang mga Pilipino sa China. Mahigit kalahati naman o 60 percent ng mga respondents ang nagsabing wala silang tiwala habang 26% ang undecided.
Samantala, halos walo sa bawat sampung Pinoy o 79 porsyento ang naniniwalang ang China ang pinakamalaking banta sa Pilipinas.
Limang porsyento naman ang nagsabing ang Russia ang itinuturing na banta habang apat na porsyento ang diskumpyado sa Estados Unidos.
Isinagawa ang survey noong December 3-11, 2025 sa 1,200 na edad 18 pataas sa pamamagitan ng face-to-face interviews. (JULIET PACOT)
