PARA kay Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) chief Major Gen. Nicolas Torre III, tapos ang panahon ng takutan, kasabay ng giit na hindi na uubra sa ilalim na bagong administrasyon ang estilo ni former President Rodrigo Duterte.
Sa isang panayam, muling nanindigan si Torre sa ginawang hakbang hinggil sa umano’y biro ni Duterte — ang hirit na pagpaslang sa 15 nakaupong senador para makapasok ang sariling pambato sa nalalapit na halalan sa Mayo.
Ayon kay Torre, hindi nila pagsasawalang-bahala ang mga pinakawalang biro ng dating Pangulo.
“Hindi na uubra sa Bagong Pilipinas ang mga birong patayan at karahasan… kaya nga ako – bilang tagapagpatupad ng batas, na mismo ang kumilos.”
Gayunpaman, iba ang paniwala ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago.
“Nakikita ko, rhetorics lang yan, part lang ng kanilang political propaganda,” wika ni Santiago.
“During the past administration… yung mga ganung salita ni presidente [Duterte], kinakagat yun ng ating mga mamamayan. But then time has changed.”
Subalit para kay Torre, malinaw na “inciting to sedition” ang pahayag ng dating pangulo. (EDWIN MORENO)
