WALANG plano si Secretary Vince Dizon itigil ang paglilinis at reporma sa Department of Public Works and Highways (DPWH) hanggat may alingasaw ng korapsyon sa loob ng kagawaran.
Sa isang pahayag, tiniyak ni Dizon na walang sinumang padrino ang pwede magbigay proteksyon o umawat man lang sa napipintong sibakan sa sa departamento.
Una nang isiniwalat ng isang bagitong kongresista ang umano’y pulong sa pagitan ng mga kontratista at mga opisyales na nakapaligid kay Dizon, gayundin ang mga regional at district levels ng kagawaran.
Ayon kay Dizon, kailangan magsimula ang pagbabago sa loob ng kagawaran, alinsunod sa umano’y payo ng dalawang dating Kalihim ng DPWH — sina Rogelio Singson (na kasalukuyang miyembro ng Independent Commission for Infrastructure) at Jose de Jesus.
Katunayan aniya, tuloy-tuloy ang pagpapalabas ng show cause order at pagsasampa ng kaso sa mga pinaniniwalaang sangkot sa mga maanomalyang infrastructure project.
