Ni ESTONG REYES
TULUYAN nang gumuho ang kredibilidad ng dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agent na naglaglag sa pangalan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kalakaran ng droga matapos umamin sa modus na tanim-droga noong panahong siya’y nasa serbisyo.
Gayunpaman, nananatiling tikom ang bibig ng sinibak na PDEA agent Jonathan Morales sa mga paratang na may prominenteng amo sa likod ng kanyang pasabog na kumaladkad sa pangalan ni Marcos at aktres na si Maricel Soriano.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, hayagang nilaglag ni PDEA director general Arturo Cacdac ang dating operatiba na aniya’y nahaharap sa mga kasong kriminal at administratibo.
Sa mga naturang kaso, umamin din ani Cacdac si Morales na nagpalsipika ng testimonya at nagtanim ng ebidensya laban sa isang Tsinoy na pinaniniwalaang bigtime drug dealer.
“Mr. Morales said that the contents of his affidavit were false because the evidence were fabricated and the evidence planted,” pahayag ni Cacdac kasabay ng paglalabas ng isang memorandum mula sa PDEA Legal and Prosecution Service na may petsang Disyembre 26, 2012.
“Kaya ako po ay namangha. Ang tagal ko po sa serbisyo, ngayon lang ako nakaranas ng ganun. Samantala mga ahente po natin na hindi nag-aappear sa korte, at nadi-dismiss ang kaso, kinakasuhan na po namin agad,” dagdag ni Cacdac.
Nang tanungin, agad na tumugon si Morales sa sinabi ng PDEA chief – “Totoo po yung sinasabi ni General Cacdac.”
Samantala, nanindigan si PDEA Legal and Prosecution Service acting director Atty. Francis del Valle na wala sa national drug information system o interagency drug information database ng ahensya ang pangalang Bongbong Marcos alyas Bonget.
Hindi rin umano nakasama kailanman ang pangalan ni Marcos sa drug watchlist.
