APAT na buwan bago ang takdang araw sa pagtatapos ng malawakang voters’ registration, abot-kamay na ng Commission on Elections (Comelec) ang target na tatlong milyong bagong botante para sa nalalapit na 2025 midterm election.
“Konting-konti na lang, three million na yung mga pumupunta sa registration sites. Syempre pag pumupunta sa registration sites hindi lang nag-a-apply kung hindi ‘yung iba nagpapa-reactivate dahil dating registered voters,” pahayag ni Comelec Chairman George Erwin Garcia.
Sa sandaling mahagip ng Comelec ang target na tatlong milyong bagong botante, aakyat na sa 71 milyon ang maaaring bumoto sa midterm elections.
“Hanggang September 30 sila pwedeng magparehistro bagamat ating laging inuulit na paalala na huwag naman sanang sasagarin pa doon dahil baka doon naman mapahaba ang pila,” dagdag ni Garcia.
Maging ang mga aspirante sa susunod na halalan, pina alalahanan ni Garcia– magparehistro o di naman kaya’y magsumite ng transfer ng registration alinsunod sa one-year residency requirement para sa mga tatakbo sa lokal na posisyon.
Target ng Comelec idaos mula Oktubre 1 hanggang 8 ang pagsusumite ng Certificate of Candidacy.
