Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SA bagal ng pag-usad ng mga kaso sa husgado, lubos ang paniwala ng mga naulilang pamilya ng libo-libong pinaslang sa giyera kontra droga ng dating administrasyon, na tanging sa International Criminal Court (ICC) lang nila makakamit ang asam-asam na hustisya.
“Mahirap magsampa ng mga kaso dito sa atin kasi mahirap kumuha ng ebidensya. Walang CCTV, walang police report, walang pulis na nag-imbestiga. Pati prosecutor, ayaw mag-file ng kaso,” pahayag ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares sa nakaraang pagdinig ng House Quad Committee.
Ayon kay Colmenares ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) at tumatayong abogado ng mga biktima ng extrajudicial killings, sa death certificate pa lang ng mga pinaslang meron ng irregularidad.
“The death certificates showed the victims “died of broncho-pneumonia while EJK perpetrators, mostly policemen, claimed self-defense in killing the victims,” wika ng dating partylist solon.
Ito rin aniya ang dahilan kung bakit sa ICC na lang sampalataya ang pamilya ng mga biktima.
Taong 2017 nang umarangkada ang imbestigasyon ng ICC sa malawakan at sistematikong patayan sa giyera kontra droga ni former President Rodrigo Duterte.
Sa panig ni Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas, isang masidhing panawagan ang paabot kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. — makipagtulungan sa pagsisiyasat ng ICC.
Lubha aniyang nakakabagabag ang datos na sumasalamin sa patayan noong nagdaang administrasyon, lalo pa’t karamihan sa mga pinatay sa Davao City at Cebu City ay pawang menor de edad at inosente.
Sa kasong inihain sa ICC, kabilang sa mga pangunahing personalidad na paksa ng imbestigasyon sina Duterte at dating Philippine National Police (PNP) chief at ngayo’y Sen. Ronald dela Rosa.
Taong 2017 naman nang pormal na kumalas ang Pilipinas sa Rome Statute na lumikha ng ICC, bunsod ng pagsipa ng imbestigasyon sa isinampang crime against humanity sa pandaigdigang husgado.
