Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
“HINDI po natin kailanman magiging intensyon ang manakit o mambully.”
Ito ang binigyan-diin ni Cong. Wilbert “Manoy” T. Lee bilang reaksyon sa paghahain sa kanya ng ethics complaint nina House Committee on Appropriations Vice Chairman Stella Quimbo (Marikina City 2nd District) at BHW partylist Rep. Angelica Natasha Co.
“Iginagalang po natin ito bilang karapatan ng kapwa natin mambabatas,” ani Lee.
Giit pa ng Bicolano lawmaker, hindi niya hangad lapastanganin ang institusyong kinabibilangan, kasabay ng giit na bugso lang ng damdaming dala ng “impassioned advocacy” ang nangyari sa plenaryo.
Paliwanag ni Lee, tanging hangad lang niya at maisama sa rekord ng Kamara ang pangako ng Department of Health (DOH) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na pababain ang out-of-pocket medical expenses ng mga Pilipino.
Ayon kay Lee, kabilang din sa mga pangako ng mga nabanggit na ahensya ang free diagnostic tests gaya ng Positron Emission Tomography (PET) scan, Computed Tomography (CT) scan at Magnetic Resonance Imaging (MRI) bilang bahagi ng outpatient services na ipatutupad bago ang sumapit ang Disyembre 31, 2024.
Gayundin ang hindi bababa sa 80% coverage para sa cancer treatments tulad ng chemotherapy at medical procedures para sa heart diseases bago ang December 31, 2024; ang 50% across-the-board PhilHealth benefit increases epektibo sa November 2024; libreng pediatrics at adult prescription glasses loob ng November 2024.
“Naninindigan po tayo sa hangarin nating tugunan na ang kulang-kulang at napakamahal na mga benepisyong pangkalusugan na isiniwalat natin noong nakaraang taon pa, at mahigit isang dekadang hindi inaksyunan ng DOH at PhilHealth,” himutok ni Lee.
Aniya, nakahanda rin siyang ipaliwanag sa House Committee on Ethics and Privileges, ang kanyang panig kung saan hinihintay na lamang umano niya na makuha ang opisyal na kopya para sagutin ang reklamo.
