
SA kabila ng peligrong patalsikin sa pwesto, wala sa hinagap ni Vice President Sara Duterte ang pagbaba sa pwesto sa bisa ng impeachment case na ikinasa ng Kamara bunsod ng umano’y paglustay sa kaban ng bayan.
Ayon kay Vice President Duterte, buwan pa ng Nobyembre nang simulan ng binuong legal team ang depensa sa sandaling simulan ang pagdinig ng senado na tatayong impeachment court para sa 4th impeachment complaint na nilagdaan ng 225 kongresista sa pangunguna nina Speaker Martin Romualdez at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos.
Gayunpaman, nilinaw ng bise presidente na hindi magiging bahagi ng defense team ang 80-anyos na amang si former President Rodrigo Duterte dahil sa katandaan at iniindang karamdaman.
Nang tanungin kung paano haharapin ang impeachment trial, pinag-aaralan aniya ng kanyang mga abogado kung paano dedepensa sa kinakaharap na reklamo nang hindi na niya kailangan pang sumipat ng pagdinig ng senado na magsisilbing impeachment court.
“Kung pwede naman hindi and I understand pwede naman, hindi na. Kasi baka ma-intimidate lang sila lahat sa presence ko doon.”
Sa isang mensahe, nagpahayag ng agam-agam ang batang Duterte sa kinakaharap ng bansa sa ilalim ni Marcos na nagdidikta sa ehekutibo at Romualdez na may kontrol umano sa Kongreso.
“Sa kabila ng lahat ng aking mga naging pahayag ukol sa planong impeachment sa mga nakaraang buwan, ang tanging masasabi ko na lamang sa puntong ito ay God save the Philippines,” aniya pa.