Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
PARA magkaroon ng isang malusog na pamayanan, dapat muna tiyakin ng pamahalaan na may sapat na supply ng pagkain para sa lahat ng mamamayan, bagay na posible lang kung maisasaayos ang katayuan ng mga magsasaka at mangingisda.
Sa isang mensahe kasabay ng pagdiriwang ng 50th Nutrition Month, nanindigan si Agri partylist Rep. Wilbert Lee sa kahalagahan maisakatuparan ang Philippine Plan of Action for Nutrition (PPAN) 2023-2028 kung saan nakalahad ang mga pamamaraan para maabot ang nutrition goals para sa mga mamamayang Pilipino.
“This 50th Nutrition Month, may we be reminded that the latest PPAN underscores food security as a tool to combat nutritional problems among Filipinos. This is connected to the Philippine Development Plan’s strategy to boost productivity and resilience of the local agriculture and fisheries sector to ensure food security and proper nutrition,” pahayag ni Lee.
“Full support and protection of our farmers and fisherfolk, our food security soldiers, is a must to attain this goal,” dugtong ng Bicolano solon.
Ani Lee, kaisa siya “sa hangarin na epektibong maipatupad ang PPAN. Kaya naman mahalaga na maiangat natin ang sektor ng agrikultura dahil kapag napataas ang supply ng pagkain, mapapababa rin aniya ang presyo ng bilihin, at mabibigyan ng access ang mas maraming pamilyang Pilipino sa sustansya na kailangan nila.”
Sinabi rin ng mambabatas na malinaw na makakamit “ang nutrisyong sapat kapag may pagkaing sapat para sa lahat. Bukod sa tiyak na trabaho at dagdag na kita, ang pagkain, nutrisyon at kalusugan ng ating mga kababayan ang prayoridad natin.”
“Kapag malusog at walang pangamba sa pagkakasakit ang ating mamamayan, Winner Tayo Lahat,” hirit pa ni Lee.
Samantala, kinalampag din ng Agri partylist congressman ang mga kapwa kongresista para pagtibayin ang inakdang House Bill 3957 (Kadiwa Agri-Food Terminal Act), na nagsusulong ikalat ang mas maraming Kadiwa Centers kung saan pwedeng bumili ng murang pagkain.
“If successfully rolled out in every city and municipality, these agri-food terminals will serve as a place where local farmers and fisherfolk can sell their produced goods directly to consumers and the general market,” paliwanag ni Lee sa naturang panukala.
“Kapag naparami at ginawa nating permanente ang Kadiwa centers sa buong bansa, hindi lamang natin matutulungan ang hanapbuhay ng ating mga magsasaka at mangingisda, masisiguro din natin ang kalusugan ng ating mga kababayan na makabibili na nang mas mura at masustanyang pagkain sa kanilang komunidad.”
