SA pagnanais pangalagaan kapakanan ng mga Overseas Filipino Worker (OFWs), inaprubahan ng Kamara ang House Bill 9806 (Free OFW Financial Education Act).

Ayon kay House Speaker Faustino Dy III, sa pamamagitan din ng naturang proposed measure, ay ipinakikita ng liderato ng Kamara ang pagkilala sa sakripisyo ng mga OFW, kasabay ng giit na marapat lamang tiyaking mapakikinabangan nila ng husto ang bunga ng pagtatrabaho sa ibang bansa.

“Bawat padala ng ating OFWs ay may katumbas na pagod at pagkakalayo sa pamilya,” wika ni Dy.

“Dapat matulungan silang mapangalagaan ang perang iyon para sa pag-aaral ng mga anak, pangangailangan ng tahanan at paghahanda sa kanilang pag-uwi,” dugtong ng lider ng Kamara.

Paliwanag ni Speaker Dy, sa ilalim ng HB 9806, magkakaroon ng “continuous financial literacy program” sa lahat ng OFWs, documented man o hindi at maging sa kani-kanilang pamilya.

Ani Dy, sa pamamagitan ng naturang programa, umaasa ang Kamara na ang mga OFW at pamilya ay magkakaroon ng tamang financial decisions at sapat na kaalaman sa loan terms, investment products, consumer rights o fraudulent schemes, at iba pa.

“Mahalagang kasama ang pamilya sa pag-aaral kung paano hahawakan ang pera. Ang OFW ang kumikita sa ibang bansa, pero madalas ang kanyang mga mahal sa buhay ang nagbabadyet at gumagastos dito sa atin,” sambit pa ng lider-kongresista.

“Ang hangad natin ay may naipon, may naipundar, at may mas matatag na buhay ang ating OFWs pagkatapos ng kanilang sakripisyo. Sa pagpasa ng panukalang ito, tinutulungan natin silang gumawa ng mas mabuting pasya para sa sarili at sa kanilang pamilya.” 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *