SA kabila ng pagtutol mula sa hanay ng magsasaka, itinuloy pa rin ng Department of Agriculture (DA) ang planong pag-angkat ng sibuyas mula sa ibang bansa.
Sa kalatas ng DA, aprubado na rin ang importasyon ng 4,000 tonelada ng sibuyas.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. target ng onion importation maiwasan ang paglobo ng presyo ng sibuyas sa merkado tulad ng nangyari sa huling bahagi ng 2022 kung saan pumalo sa P750 ang presyo kada kilo ng sibuyas sa Metro Manila.
“We will not risk a potential shortage that unscrupulous traders could exploit to drive up prices, as we saw in the past. We do not want a repeat of the 2022 crisis,” wika ni Laurel sa aniya’y paparating na kargamento – 3,000 tonelada ng pulang sibuyas at 1,000 tonelada ng puting sibuyas.
Batay sa imbentaryo ng gobyerno, tatagal lang hanggang sa katapusan ng Pebrero ang 8,500 toneladang red onion at 1,628 toneladang puting sibuyas.
Gayunpaman, hindi kumbinsido ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na nagpahayag ng pagkabahala sa anila’y masamang epekto ng onion importation sa mga lokal na magsasaka.
“Wala tayong problema kung mag import, kung kailangan talaga pero usually ‘yan ay sa panahon ng tapos na mag ani. Buwan ng July, August, September. Kung darating in two weeks time (ang) import, ‘yun na ‘yung peak harvest. Na-delay lang talaga tayo ng one month this year dahil sa Typhoon Pepito pero wala tayo problema as far as yun volume is concerned,” himutok ni Jayson Cainglet na tumatayong executive director ng SINAG.
