NI ESTONG REYES
HINDI sapat putulin ang koneksyon sa pagitan ng e-wallet apps at ng mga online gambling sites, ayon kay Senador Erwin Tulfo.
Para kay Tulfo, malaking bentahe ang hakbang ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na naglabas ng direktiba subalit kailangan pa rin umano ng mas pinag-ibayong tugon matapos mabisto ang paglipat ng online gambling sites sa ibang mobile application na may kakayahan magsilbing “financial avenue” ng mga sindikato.
“Pinupuri natin ang hakbang ng mga e-wallet company na i-delink ang mga online gambling sites mula sa kanilang mga platform. Isa itong patunay na handang makipag tulungan ang pribadong sektor sa gobyerno sa paglaban sa lumalalang problema ng online gambling addiction sa ating bansa,” wika ni Tulfo na tumatayong chairperson ng Senate Committee on Games and Amusement.
Gayunpaman, iginiit ng senador na kailangan mas maging agresibo ang iba pang ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na may kakayahan galugarin ang tinatawag na “cyberspace.”
Kabilang aniya sa mga nilipatang mobile apps tulad ng Viber, Telegram, Lazada, at iba pang may probisyon sa mga tinatawag na “vouchers” na maaaring gamitin bilang credit points para makapagsugal.
