TIWALA ang liderato ng Kamara na mas lalawak pa ang suporta sa #OpenBicam campaign na isinusulong ni Leyte Rep. Martin Romualdez tungkol sa pagtalakay ng national budget at pagkakaroon ng pananagutan at transparency alinsunod sa proseso.
Sa isinagawang press conference sa Batasan Complex, sinabi ni Atty. Princess Abante, tagapagsalita ng House of Representatives, na buo ang suporta ni Romualdez, dating Speaker ng 19th Congress, sa naturang inisyatiba bilang pagpapatuloy sa matagal nang adbokasiya ng Kamara na gawing mas bukas ang proseso sa paggawa ng batas.
“Yes, definitely Speaker Martin Romualdez welcomes yung open bicam na maging transparent sa lahat ‘yung proseso ng pagbalangkas ng ating pagsasaayos at pag-apruba ng budget ng ating bansa,” pahayag ni Abante, hinggil sa deliberasyon sa pambansang budget na karaniwang nagsisimula pagkatapos ng State of the Nation Address (SONA).
“We are looking forward na magkaroon ng enough na suporta para mabuksan ang bicam. Para lahat ay makikita yung proseso,” wika ni Abante.
Ang mungkahi, na suportado ng mga nagbabalik na mambabatas at mga lider ng institusyon, ay naglalayong pahintulutan ang mga Pilipino na masaksihan sa real time kung paano pinagkakasunduan ng Senado at Kamara ang pinal na bersyon ng pambansang budget.
Ang bicameral conference committee sa pambansang budget ang nagsisilbing huling yugto ng pagdedesisyon matapos maipasa ng Kamara at Senado ang magkahiwalay na bersyon ng General Appropriations Bill.
Binigyang-diin ni Abante na hindi na bago sa Kamara ang transparency.
“Kahit naman na nung mga previous Congresses naging layunin na rin ng House of Representatives especially under the leadership of Speaker Martin Romualdez, yung mga taon na binabalangkas yung budget na maging transparent,” aniya.
Dagdag pa niya, kasalukuyan nang napapanood nang live at bukas sa publiko ang mga pagdinig ng mga komite hinggil sa budget.
“Kaya nga open sa lahat ang pagpapanood ng mga committee hearings,” aniya sa tinawag niyang bahagi ng mas malawak na kampanya para itaguyod ang “transparency” sa pamamahala ng pondo ng bayan.
Nauna nang idineklara ni Romualdez na kanyang itutulak ang “institutionalization” ng #OpenBicam campaign.
“Transparency and accountability must be the cornerstones of the budget process,” aniya noon.
“I support the move to make bicameral conference committee discussions open to the public. This is a crucial step in restoring public trust and ensuring that the national budget truly reflects the will and welfare of the people,” dagdag niya.
“We passed key accountability measures. Now we must build on that momentum by opening the most sensitive and final stages of the legislative process to the Filipino people,” dagdag pa niya. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
