ISINUSULONG ni Leyte Representative Ferdinand Martin Romualdez amyendahan ang ilang probisyon ng Republic Act 11223(Universal Health Care Act) kabilang na ang pagnanais na ilibre ang mga overseas Filipino worker sa pagbabayad ng buwanang kontribusyon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Sa inihaing House Bill No. 2 para sa bagong bukas na 20th Congress, binigyan-diin ni Romualdez ang pangangailangang patatagin ang serbisyong pangkalusugan ng bansa para maging mas maayos, pantay, at handa sa oras ng pangangailangan ng mga mamamayan.
Una sa mithiin ng Leyte lawmaker sa pagrebisa sa UHC Law ang huwag nang magbayad ng PhilHealth premium kapwa ang land-based at sea-based OFWs.
Paglilinaw ni Romualdez, target ng panukala balikatin ng gobyerno ang butaw ng mga OFW, pero sasagutin pa rin ng employer ang balanseng katumbas ng kalahati ng premium contribution
Bukod sa pagbibigay-libre sa mga migranteng manggagawa mula sa pagbabayad ng premium, binibigyang-diin din ng panukala ang probisyon sa pagbabawas ng kontribusyon at ang pagbabawal sa paglipat ng pondo ng PhilHealth sa national treasury.
“Notwithstanding any law to the contrary, no portion of the reserve fund or any fund or income of Philhealth, including the provident fund under Section 16 (C) and the special health fund under Section 20 of this Act, shall accrue to the general fund of the national government or to any of its agencies or instrumentalities, including government-owned or -controlled corporations,” saad sa isang bahagi ng panukala ni Romualdez.
Anumang hindi nagamit na bahagi ng premium subsidies para sa indirect contributors ay dapat rin aniyang ilaan “exclusively for an increase in benefits or a decrease in forthcoming premium subsidies.”
Kabilang sa mga indirect contributors ang mga Pilipinong walang kakayahang magbayad ng premium gaya ng mga mahihirap at walang trabaho, kung saan binabayaran ng pamahalaan ang kanilang kontribusyon mula sa taunang pondo.
Mayroon ding probisyon sa panukala na nagsasaad na ang premium contribution rates ay dapat ibatay sa actuarial studies at pagsusuri sa inaasahang paggamit ng mga serbisyong pangkalusugan. Anumang pagbabago sa mga rate ay kinakailangan pa ring aprubahan ng Kongreso.
Tinutulak rin ang paglikha ng Universal Health Care Coordinating Council, na siyang mangunguna sa mas mabilis na pagpapatupad ng batas, at magsisilbing mekanismo ng koordinasyon sa mga ahensya at organisasyon.
Katuwang ni Romualdez bilang co-author ng HB 02 sina Tingog Partylist Reps. Jude Acidre at Andrew Julian Romualdez.
“Once passed, this measure will certainly maximize the potential of the Universal Health Care law to become the instrument for universal and equitable healthcare access for every Filipino,” dagdag nila. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
