Ni JAM NAVALES
HINDI limitado sa karaniwang karamdaman tulad ng lagnat at ubo ang sipon ang dapat matanggap ng sambayanang Pilipino, ayon sa isang kongresista kasabay ng panawagan sa Philippine Health Insurance (Philhealth), na isama sa hanay ng benefit packages ng ahensya ang iba’t ibang optometric services.
Sa House Resolution 1623 na inihain ni AGRI Partylist Rep. Wilbert Lee, target ng mambabatas palawigin ang saklaw ng benepisyong pangkalusugan na hatid ng PhilHealth sa mga mamamayan.
Ginawa ng Bicolano lawmaker ang panawagan sa state health insurer kasunod ng pagdalo sa 7th Annual Conference ng Philippine Society of Public Health and Occupational Optometry (PSPHOO) kamakailan.
Ayon kay Lee, mahalaga ang optometric interventions upang maiwasan ang pagkawala o paglabo ng paningin at sa pamamagitan nito’y mapapabuti rin ang kalidad ng buhay ng mga mamamayan.
“While vision problems can be easily corrected with glasses or contacts, many Filipinos lack access to affordable eye care, affecting their productivity,” ang bungad na pahayag ng mambabatas.
“Maraming bata ang pagkapanganak pa lang, may problema na sa mata, at milyon-milyon nating mga kababayan ang talagang apektado ang pang-araw-araw na pamumuhay dahil sa pagkabulag o malabong paningin,” dagdag pa ni Lee.
Kung ang pag-uusapan aniya ang pagiging produktibo at food security, marapat lamang din bigyan pansin ang suliranin sa mata o paningin ng bawat isa at maikonsidera bilang pangunahing healthcare issue.
Base sa datos ng Integrated Philippine Association of Optometrists (IPAO), nasa 41.4 million Pilipino ang nangangailangan ng patuloy na eye at vision care, kung saan kabilang dito ang pagkakaroon ng presbyopia at refractive errors.
Giit ni Lee ang kabiguang masolusyunan ang vision impairment ay nagdudulot ng delayed development partikular ng mga bata, pagdanas ng social isolation, depression, at economic hardship naman sa mga nasa hustong gulang.
Kaya naman naniniwala ang kongresista na marapat lamang na ipagkaloob ng PhilHealth kinakailangang serbisyong medikal partikular sa pangangalaga sa mata at paningin at gawing abot-kaya para sa mga Pilipino.
“It is crucial for the government to make efforts to increase the accessibility of optometrists’ services across the nation by utilizing mobile clinics, telemedicine, and community outreach initiatives, especially in isolated places through the support of PhilHealth,” hirit pa ng kongresista.
“Winner Tayo Lahat kung accessible, abot-kaya at maagap ang pagtugon sa problema sa mata ng milyon-milyong Pilipino. Hindi lang nito mababawasan ang pangamba ng ating mga kababayan sa pagkakasakit sa mata at kawalan ng panustos para maipagamot ito. Hindi lang ito magdudulot ng malinaw na paningin, kundi pati na rin ng maliwanag na kinabukasan para sa ating mga kababayan,” pagtatapos ni Lee.
